YUMAO kahapon, 11 Pebrero, ang lider ng grupong Ang Dating Daan na si Eliseo Fernando Soriano sa bansang Brazil, kung saan siya namamalagi simula nang umalis sa Filipinas ilang taon na ang nakararaan.
Si Soriano ang nananatiling lider ng kanilang grupo, ay nagpapaabot ng kanyang mga pangaral sa pamamagitan ng internet.
Sinasabing ang balita ay sinalubong nang may pagkabigla ng mga miyembro ng kanilang sekta dahil napakinggan pa nilang nangangaral si Soriano noong sinundang araw.
Wala pang detalye tungkol sa kanyang ikinamatay. Ang balita ay kinompirma lamang ng mga lider ng kanilang iglesia.
Tinatayang halos isang milyon na rin ang kasapi ng kanyang iglesia, at lalong lumalawak iyon dahil sa kanilang kontrol sa ilang estasyon ng radyo at maging ng telebisyon.
Nakapagtatag na rin sila nang mahigit na 2,000 lokal sa buong kapuluan.
Mayroon rin silang naitatag na mga lokal maging sa ibang bansa.
Tahimik pa ngayon ang mga lider ng Dating Daan kung sino ang papalit sa kanilang spiritual leader, pero ang sinasabing inaasahan ng marami ay ang pamangkin ni Soriano na si Daniel Razon.
Si Razon ang humaharap sa lahat ng pangangailangan ng iglesia simula nang mag-abroad si Soriano.
Sinasabi rin mukhang siya ang sinanay ni Soriano para humalili sa kanyang liderato. Wala pa rin katiyakan kung kailan madadala sa Filipinas ang labi ng yumaong lider ng Dating Daan.
(HATAW News Team)