NAGSAGAWA kahapon ng contact tracing ang Infectious Disease Team ng City Health Office ng Pasay City sa mga nakasalamuha ni Pasay City Mayor Emie Calixto-Rubiano matapos magpositibo ang alkalde sa CoVid-19.
Sa contact tracing, kabilang ang Public Information Office (PIO) ng lungsod dahil madalas nakasasalamuha sa tanggapan ni Mayor Rubiano.
Ganoon din ang lahat ng tauhan ng PIO ay isasailalim sa swab test kabilang ang tatlong miyembro ng media na nagpunta sa tanggapan at nakasalamuha ang punong lungsod.
Ayon kay Mayor Rubiano, ilang araw siyang nakaramdam ng sintomas ng naturang sakit kaya agad nagpa-swab test kaya nabatid na siya ay nagpositibo sa CoVid-19.
Agad nang nag-isolate ang alkalde at isinasagawa na rin ang CoVid-19 protocols on contact tracing na maaaring source ng mga nakasalamuha para maiwasan ang tuluyang pagkalat nito.
Inatasan ng alkalde ang lahat ng departament head at mga kawani ng Pasay City Hall na ituloy ang mga programa at huwag pabayaan ang mga kababayan sa kabila ng kanyang kalagayan.
(JAJA GARCIA)