ISANG lider ng unyon ng mga manggagawa sa pantalan ang pinagbabaril, na kanyang ikinamatay, habang sugatan ang 4-anyos pamangking babae, sa Tondo, Maynila, nitong Linggo ng gabi, 7 Pebrero.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Leonardo “Ka Esca” Escala, presidente ng unyon ng mga manggagawa sa Manila port operator International Container Terminal Services Incorporated (ICTSI).
Sa inisyal na ulat ng pulisya, si Escala, 59 anyos, kasama ang 4-anyos pamangking babae, ay pinagbabaril ng mga hindi kilalang suspek saka mabilis na tumakas sakay ng scooter dakong 7:20 pm nitong Linggo.
Nabatid na kabababa lang ng mga biktima sa kanilang sasakyan sa tapat ng kanilang bahay nang pagbabarilin ng mga suspek.
Isang oras ang lumipas bago namatay si Escala matapos dalhin sa ospital. Ang kanyang pamangkin na 4-anyos ay tinamaan sa likod at kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Nabatid sa pulisya na si Escala ay nakatatanggap na ng pagbabanta kaugnay ng kanyang posisyon bilang presidente ng union.
Sa pinagsamang pahayag nitong Lunes, 8 Pebrero, ng Nagkakaisang Manggagawa sa Pantalan Incorporated (NMPI)-ICTSI at National Federation of Labor Unions (NAFLU), hangad nila ang katarungan sa pinaslang na labor leader na si ‘Ka Esca.’
Anila, ‘karuwagan’ ang ginawang pamamaslang kay Ka Esca.
“Ang mga inutil at duwag na gumagamit ng dahas sa pamamagitan ng gatilyo ng baril ay tunay na mga salot sa lipunan – na ang intensiyon ay tuluyang patahimikin o kitilin ang tuloy-tuloy at prinsipyadong pamumuno ni Ka Esca bilang lider-manggagawa sa loob at labas ng pantalan, bilang tagapagtanggol ng karapatan at kagalingan ng uring manggagawang anakpawis,” pahayag ng grupo.
Sa tala ng NMPI-ICTSI, si Escala ay nagsilbing pangulo ng unyon sa loob ng dalawang termino mula noong 2012.
Naging 2nd vice president din siya ng unyon sa loob ng apat na taon. Naging vice chairman ng Arya Progresibo, isang grupo na nakikipaglaban para sa karapatan ng mga manggagawa.
Ngayong taon bilang presidnte ng union, isinulong ni Escala ang mas episyenteng daloy ng trabaho sa ICTSI quality control operators at sa pamamagitan ng collective bargaining agreement (CBA) nadagdagan ang mga benepisyo ng mga manggagawa sa pantalan.
Nakidalamhati ang ICTSI sa pamilya ni Escala at sa labor groups na NMPI-ICTSI at NAFLU.
“We have lost a member of our community, a friend, and a leader who, through decades as both employee and labor representative, was the key driver in the positive and productive collaboration between the company and our employees,” ani port magnate Enrique Razon, Jr.
Kasabay ng pagkondena sa pagpaslang kay Escala, hiniling ng Nagkaisa Labor Coalition sa pamahalaan na hayaang makapasok ang high-level fact-finding mission ng International Labour Organization sa bansa.
“Nagngangalit kami sa walang katapusang karahasan at patuloy na kawalan ng kaparusahan laban sa mga gumagawa nito sa mga unyonista. Dapat nang wakasan ang mga pamamaslang na gaya nito,” ani labor lawyer Sonny Matula, chairperson ng Nagkaisa.