IPALALABAS muli ang Anak ng Macho Dancer online sa February 5 and 6 at P169 ang bawat ticket, 6:00-9:00 p.m..
Ang presyo ng ticket noong premiere showing nito noong January 30 ay P690, at ewan kung ‘yon ang dahilan kaya na-pirate ito agad at ibinenta ng mga pirata online sa presyong P10 at P100 bawat ticket. Magkaibang pirata po ang mga ‘yon kaya magkaiba ang presyo nila.
Sumugod na sa National Bureau of Investigation si Joed Serrano, ang producer ng pelikula pero habang isinusulat namin ito ay wala pang napapabalitang naaresto o pinagmultang pirata.
Oo nga pala, kahit na binabaan na ng presyo ang tiket sa screening sa February 5-6, wala namang nababalitang bawas sa pinagpipiyestahang frontal nudity scenes sa Anak ng Macho Dancer.
Wala rin namang angal ang producer ng pelikula at direktor nito na si Joel Lamangan na walang lumalabas na review ng pelikula buhat sa mga sikat na reviewer.
Naiisip siguro ng mga reviewer na wala naman silang masasabi tungkol sa pelikula na makapipigil sa madlang sabik sa frontal nudity ng mga lalaki sa panonood ng pelikula.
Ultimong ang pamilya ng lead actor na si Sean de Guzman ay ‘di umangal noong napanood nila ang pelikula at dumating sa eksenang nakabuyangyang na ang pinakapribadong bahagi ng katawan ni Sean.
‘Di kaya mainggit ang mga gumagawa ng BL (Boys Love) online films at lagyan na rin nila ng frontal nudity ang mga produkto nila?
Kung ang Anak ng Macho Dancer ay nakabenta umano ng 114,000 tickets sa presyong P690 per ticket, baka mas malaki pa ang kitain nila kung pepresyohan nila ng tig-P200 lang ang tiket nila. Dapat lang ay maglagay sila ng frontal nudity scenes ng lead actors nila. O maski na ng supporting actors man lang.
May BL producers and directors kaya na papatol sa suggestion namin na ito?
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas