TINIYAK ng Pasay city government na nakahanda sila para magsagawa ng malawakang pagbabakuna sa kanilang lungsod sa sandaling dumating ang mga bakuna laban sa CoVid-19 na binili mula sa AstraZeneca.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano noong Setyembre pa ng nakaraang taon ay naglaan na sila ng pondo para ipambili ng bakuna sakaling maging availablesa merkado.
Una nang lumagda ng kasunduan ang lungsod para makabili ng 275,000 doses ng bakuna sa AstraZeneca noong nakaraang buwan.
Siniguro rin ng alkalde na may mapaglalagyan ang kanilang lungsod ng mga bakuna sakaling dumating na sa bansa.
Handa umano ang cold storage facilities at maging ang Pasay General Hospital para magamit ang kanilang pasilidad na paglalagakan ng bakuna.
Sinabi ni Mayor Rubiano, puspusan ang kanilang paghahanda para tiyakin ang tagumpay ng kanilang vaccination campaign.
Kabilang sa ginagawang paghahanda ang pagsasagawa ng vaccination simulation sa iba’t bang lugar ng lungsod.
Aniya, pinaiigting ang information campaign sa pamamamagitan ng pagpapakalat ng mga babasahin at mga tarpaulin na nagpapaalala sa taong bayan kaugnay ng mga pag-iingat na kailangang gawin kontra CoVid-19. (JAJA GARCIA)