ITINAKBO sa ospital ang isang celebrity makeup artist, at tatlong kasama na pawang bisita sa isang condominium unit matapos mangisay nang gumamit ng hindi pa batid na uri ng ‘substance’ sa gitna ng kanilang inuman sa Taguig City, iniulat nitong Martes.
Isinugod sa Medical Center ang mga biktimang sina Mark Anthony Casumpang, 29, binata, call center agent, ng Sambalez Alley, Bagong Barrio, Caloocan City; Albwin Chester Amolat, 23 anyos, ng Adriatico St., corner Padre Faura, Ermita, Maynila; Ian Gabriel Bautista, 23, residente sa panulukan ng EDSA at Reliance St., Mandaluyong City; at Hernan Soriano, 31, celebrity makeup artist, ng Samadoves St., Luzon Ave., Old Balara, Quezon City.
Sa imbestigasyon ni P/CMSgt. Herman Recile, Jr., ng Investigation & Detective Management Section (IDMS), nag-iinuman sa Unit 115 Grace Residence, noong 31 Enero 31, sa Brgy. Ususan, Taguig City dakong 12:00 nn nang maingayan at naistorbo ang kalapit na unit ng naturang condo nang biglang nangisay ang mga nag- iinuman na agad tinulungan ng emergency team ng Grace Residences at isinugod sa malapit na ospital.
Sa impormasyon na nakalap ng awtoridad mula kay Dr. Rizulle Ann Gahun, nabatid mula sa isang indibidwal na humiling o nakiusap na huwag ibunyag ang kanyang pangalan, ang apat na pasyente ay gumamit ng ‘unkown substance’ matapos uminom ng alak na nagresulta ng kanilang pangingisay.
Sa pangyayari, hiniling ni Dr. Gahun, na magsagawa ng drug test sa pamamagitan ng SPD Crime Laboratory personnel sa pangunguna ni Lt. Trixia Grace Merana kalakip ang pagsusumite ng consent ng mga kinatawan ng pasyente.
Hiniling na rin ng mga imbestigador ng Investigation and Detective Management Section na pansamantalang isara ang condo unit para bigyang daan ang imbestigasyon sa insidente.
Ilan sa mga kinatawan ng apat na pasyente ay nagpahiwatig na wala silang interes sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagsasampa ng kaso “verbally o written” maliban sa ina ni Amolat na nais ipa-drug test ang anak para mabatid kung anong klaseng ‘unknown substance’ ang ininom ng mga pasyente.
(JAJA GARCIA)