INIUTOS kamakailan ni Caloocan Rep. Dale “Along” Malapitan ang agarang inspeksiyon at pagsasaayos ng dalawang tulay sa Barangay 31 ng Maypajo sa ikalawang distrito ng lungsod ng Caloocan upang pangalagaan ang mga residenteng nakatira rito sa nagbabadyang panganib sakaling tuluyang masira ang nasabing tulay.
“Itong tulay (sa pagitan ng Talilong street at Paulicas street) na ito ay matagal nang nagbibigay serbisyo sa mga taga-Maypajo. Nananatili itong nakatayo sa kabila ng maraming kalamidad na naranasan natin nitong nagdaang mga taon gaya ng lindol, baha at bagyo na naging dahilan kung kaya’t ito’y unti-unti ng nasisira,” saad ni Malapitan.
Ang pagpapaayos ng Talilong-Paulicas bridge ay ang mabilisang tugon ng kongresista sa apela ni Emma Flores Jativa, residente ng Barangay 31, na nanawagang sana ay ma-repair ang tulay, may sukat na tatlong metro, bago pa man mapahamak o maaksidente ang sino man sa mga kaanak ng 25 pamilya na naninirahan sa nasabing lugar.
Personal na ininspeksiyon ni Malapitan ang tulay matapos kompirmahin ni barangay chairman Jose Mercado na sira na nga ang tulay na nagdudugtong sa dalawang daan.
“Matapos ibalita ni chairman Mercado sa akin ang banta na dulot ng tulay ay mabilis tayong tumugon at nag-abot ng tulong pinansiyal sa barangay. Ibinilin ko rin kay chairman Jose at sa kanyang konseho na agad isaayos ang tulay upang mapigilan ang peligrong maaaring dalhin nito sa mga naninirahan sa lugar ng Talilong at Paulicas,” ani Malapitan.
Nagpahayag ng pasasalamat ang mga residente ng Barangay 31 sa maagap na pagtugon ni Malapitan sa kanilang panawagan.
“Hindi limitasyon na tumulong sa ibang distrito. Masaya akong makatulong at makapagbigay serbisyo sa mamamayan ng Caloocan,” sagot ng kongresista, kasunod ng paglilinaw na hindi lamang paggawa ng batas ang kanyang trabaho kundi pati na ang pagtiyak sa kaligtasan, kaayusan at kapakanan ng mga taga-Caloocan. (JUN DAVID)