MUKHANG paninirang-puri lang sa napakasikat na eventologist na si Tim Yap ang mga naglabas ang litrato at video sa social media na kuha sa birthday party n’ya sa isang kilalang hotel sa Baguio City noong January 17.
Nag-guest noong Martes (January 26) si Tim sa The Final Word ng CNN Philippines at nilinaw n’ya na ang lahat ng naglabasang litrato at video sa party n’ya na ‘di naka-face mask ang mga bisita ay kuha bago sila mag-dinner na natiyempo namang magdaos ng cultural dance ang guest dance troupe sa party.
Niyakag silang lahat na sumali sa cultural dance na umikot sa venue at ‘di na nila nakuhang mag-face mask pa.
Pag-amin n’ya: ”The cultural dancers pulled everybody, including myself who got carried away, we invited everybody to do the cultural community dance.”
At ‘yon lang ang nag-iisang aktibidad noong party n’ya na ‘di siya naka-face mask pati na ang mga guest n’ya.
Binigyan-diin ni Tim na ni hindi nga sa loob mismo ng hotel idinaos ang party n’ya kundi sa outdoor ng hotel na naglagay ng napakalaking tent na kasya lahat ng guests na naka-social distancing.
At lahat din ng aktibidades nila ay may supervision ng representatives ng local government unit dahil ang mga aktibidad ay bahagi ng pagpu-promote n’ya ng tourism sa Baguio City.
Hindi nabanggit ni Tim na dumalo sa party n’ya ang mismong mayor ng Baguio City na si Hon. Benjamin Magalong, kasama ang misis nito. Sa naunang report ng PEP entertainment website, may lumabas na picture ng mayor na kasama ang misis n’ya, at si KC Concepcion. Sa nasabing larawan ay naka-face mask ang meyor pero ang misis n’ya at si KC ay hindi (pero dahil sandali lang naman ang pagpapalitrato kaya nakaugalian na ng marami na panandaliang tanggalin ang face mask nila para naman makita ang buong mukha nila sa kuha).
In-imply ni Tim na kilala n’ya ang lahat ng dumalo sa party n’ya at wala siyang nabalitaang may nag-positive sa Covid-19 pagkatapos ng party. In-imply din n’yang wala rin sa staff ng hotel at ng local government na nagka-Covid pagkatapos ng party. Sinunod naman n’ya pati ang contact tracing protocol noong nag-party siya. Ibig sabihin, may record ang hotel ng kung sino-sino ang mga dumalo sa party, saan sila naninirahan, at paano sila makokontak sakaling may nagka-Covid pagkatapos ng event.
Giit n’ya: ”Everybody was tested prior to going up because as you all know, Baguio is very strict when it comes to entry.”
Bago ang party, sinabi ni Tim sa kanyang welcome message na mahigpit na sundin ang safety protocols laban sa COVID-19.
“And everybody was given the proper PPE, even face shields.
“Throughout the weekend, when we went around, we really were exercising all the proper safety standards,” pagtatapat pa n’ya.
Wala pang balita kung ano ang findings sa imbestigasyon na napabalitang isasagawa ng sangay ng Department of Tourism sa Cordillera Administrative Region na nakakasakop sa Baguio City.
Humihingi naman siya ng paumanhin sa ‘di nila pagkakasuot ng face mask noong cultural dance. Pahayag n’ya sa CNN: ”I am very, very sorry for those videos that came out where we didn’t wear our masks. There’s no excuse for not wearing your masks. We have to be at all times vigilant and take care of each other. It is not in any of my wishes to endanger anyone.”
Kinailangan talagang magpaliwanag si Tim sa madla dahil maraming naglabasan sa social media network na mga reaksiyong galit na galit sa kanya at sa mga guest n’ya. Isa sa mga post na ‘yon ang nagsabing may tatlong dumalo sa party na nag-positive sa Covid.
Kabilang din si Tim sa mga dumalo sa nakaraang birthday party ni Raymond Gutierrez sa isang restoran sa BCG sa Taguig na lumabag umano sa regulasyon ng social distancing. Ipinasara ni Taguig Mayor Lino Cayetano ang restoran.
Hindi natanong si Tim sa CNN tungkol sa party na ‘yon ni Raymond kaya wala siyang comment tugkol sa naganap doon.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas