MAY parang biglang sikat na 17-year old Fil-Am singer ngayon sa Amerika na ang pangalan ay Pinay na Pinay din: si Olivia Rodrigo, na ang ama ay purong Pinoy at ang ina ay German-Irish.
Sa California siya isinilang at lumaki. Ang lolo at lola n’ya, na nasa US din, ay purong mga Pinoy.
Ang kanta n’yang may music video na Drivers License ay number 1 hit na sa Billboard 100 isang Linggo lang pagka-release nito.
Pero bago pa umani ng tagumpay sa Billboard ang Drivers License, naging historic muna ito sa Spotify dahil umabot sa 15 million globally ang nag-download noong unang Linggo pa lang na ipinost n’ya ang kanta sa Spotify. Naging chart-topper din ang kanta n’ya, na siya mismo ang nag-compose, sa Amazon music.
Ang isa pang gumugulantang sa mundo kaugnay ng kanta n’ya ay ang pagpuri at pagpabor sa kanya ni Taylor Swift noong Linggo na pumangatlo sa mga kantang Evermore at Willow ni Taylor sa Billboard 100 ang Drivers License.
Noong January 14 sa Amerika, nag-post si Olivia sa Instagram n’ya ng litrato ng Billboard 100 chart na nagpapakitang number 3 siya sa dalawang kanta ni Olivia.
Nakita ‘yon mismo ni Taylor at binilugan nito ang pangalan at kanta ni Olivia at nilagyang ng comment na: :I say that’s my baby and I’m really proud.”
Pero hindi ‘yon ang unang pagkakataon na pinaboran siya ni Taylor. Noong 2019, gumawa si Olivia ng sarili n’yang bersiyon ng Cruel Summer, isa sa mga kanta ni Taylor sa album n’yang Lover ang titulo. Ipinost n’ya ‘yon sa Instagram at nasorpresa siyang nakita ‘yon ni Taylor at ini-repost ito sa sarili n’yang Instagram. Nilagyan pa ito ni Taylor ng caption na THE TALENT.
Hindi siya kilala nang personal ni Taylor kahit na actually ay naging artista na sa isang Disney TV show si Olivia at naging bida na sa isang Disney musical na sumikat din naman sa US.
Ang titulo ng Disney TV musical series ay The High School Musical: The Musical, na may isang composition siya na umabot sa No. 90 sa Billboard Hot 100 chart nung January 2020. All I Want ang titulo ng komposisyo n’ya. Si Olivia ang pangunahing singing star ng serye na noong 2019 ipinalabas.
Noong 2016 ay naging lead actress din siya sa Disney Channel series na Bizaardvark ang titulo.
Ang nangyari siguro kaya siya biglang pinagkaguluhan ng mundo sa first solo single n’yang Drivers License ay nahinog na siya bilang singer-composer.
Heartbreak song ang Drivers License na tungkol sa isang babaeng nangangarap magkaroon ng driver’s license para makapag-drive siya sa bahay ng boyfriend n’ya na may tila may kalayuan ang tinitirhan.
Pero noong nagkalisensya na siya, nabalitaan n’yang may iba ng girlfriend ang boyfriend n’ya. Pero nag-drive pa rin siya para madaanan ang bahay ng ex-boyfriend n’ya habang lumuluha siyang nagmamaneho.
May mga ulat na totoong nangyari na ipinagpalit si Olivia sa ibang babae ng naging boyfriend kapwa aktor sa The High School Musical: The Musical, si Joshua Basset. Actually, si Joshua ang leading man ni Olivia sa pagtatanghal.
Sa lyrics ng Drivers License may linyang ipinagpalit ang girlfriend sa isang babaeng mas matanda at professional na. Sa tunay na buhay, ang girlfriend ngayon ni Joshua ay si Sabrina Carpenter na 21 years old na pero dati ring lumalabas sa mga pangkabataang shows ng Disney Channel.
Tungkol naman sa pagkakaroon n’ya ng dugong Pinay, ikinuwento na ‘yon ni Olivia sa mundo noong 2017 sa isang Disney Channel feature. Alam n’ya ang mga pagkaing Pinoy at isa sa mga paborito n’ya ay lumpia.
‘Pag nagtuloy-tuloy ang pagsikat n’ya, baka isang araw ay makapagkita na rin sila ni Taylor Swift, at sa paglaon ay bumisita rin sa Pilipinas.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas