BAWAL ang adik na pulis, at sisibakin palabas ng Philippine National Police (PNP) kapag nagpositibo sa drug testing na gumugulong ngayon sa buong puwersa ng Police Regional Office 3.
Sinabi ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon, ito ay bilang pagtalima sa direktiba ng pamunuan ng PNP na magsagawa ng simultaneous random drug testing sa buong kinasasakupan upang matiyak na walang adik sa kanilang hanay nang sa gayon ay makapagbigay ng epektibong serbisyo, maging ehemplo sa mga mamamayang kanilang pinagsisilbihan, at maging bahagi ng PNP Internal Cleansing.
Nitong nakaraang Biyernes, 8 Enero, isinailalim ang mga kawani ng Pampanga Second Provincial Mobile Force Company sa pamumuno ni P/Lt. Col. Paul Gamido dakong 11:00 am sa drug testing sa Regional Crime Laboratory 3 sa Camp Olivas sa pangunguna ni P/Lt. Gabby Raboy.
Isinalang din dakong 1:30 pm ang mga kagawad ng Mexico municipal police station sa pamumuno ni P/Lt. Col. Angel Bondoc. (RAUL SUSCANO)