BINAWIAN ng buhay ang isang guro nang sumalpok ang minamaneho niyang van sa kasalubong na trailer truck kamakalawa ng gabi, 6 Enero, sa kahabaan ng Jasa Road, San Nicolas, sa bayan ng Lubao, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat na isinumite ni P/Lt. Col. Michael John Riego, hepe ng Lubao municipal police station kay Provincial Director P/Col. Arnold Thomas Ibay, kinilala ang biktimang si Rees Vincent De Castro, 23 anyos, binata, guro, at residente sa Diosdado Macapacal St., Sta. Cruz, sa naturang bayan, na nagmamaneho ng kaniyang Mitsubishi Adventure GLX2, may plakang RGX-471 nang maganap ang insidente.
Ayon kay P/SSgt. French Dave Martirez, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong 7:00 hanggang 7:30 ng gabi na agad nilang nirespondehan nang maitawag sa kanilang estasyon.
Nasa kustodiya ng pulisya ang suspek na kinilalang si Jumar Estribello, 43 anyos, may-asawa, residente sa Blk. 49-M Phase E2, Dagat-Dagatan, sa lungsod ng Malabon, at driver ng Foton ETX 4×2 tractor head, may plakang AAU-8572 sakay ang trailer truck na may plakang AUB 2533, pag-aari ng Asian Ventures General Services, Inc., may opisina sa Chino Roces Ave., sa lungsod ng Makati.
Sa paunang imbestigasyon, bago naganap ang insidente ay nasa inner lane ang van na minamaneho ng biktima habang tinutugaygay ang Jasa Road patungong lalawigan ng Bataan ngunit sinakop ang daan ng kasalubong na trailer truck na minamaneho ng suspek saka sumalpok dito na nagresulta ng head-on collision.
Umikot at halos mawasak ang buong katawan ng van sa tindi ng pagkabangga at naipit ang halos walang malay na biktima sa driver’s seat.
Nagresponde ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Medic ng Lubao at agad itinakbo sa pinakamalapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklarang dead on arrival.
Wasak rin ang unahang bahagi ng trailer truck pero hindi napinsala ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Lubao PNP at nakatakdang sampahan ng kasong reckless imprudence resulting in homicide at damage to property.
Samantala, inilagak ang bangkay ng biktima sa CS Funeral Homes sa San Nicolas 1st sa nasabing bayan para isailalim sa awtopsiya.
(RAUL SUSCANO)