NAMATAY kahapon ang dating Oriental Mindoro congressman Reynaldo Umali dahil sa CoVid 19.
Si Umali, 63 anyos, ay nakilala noong impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona sa pagpresinta ng ebidensiya mula sa “small lady.”
Kinompirma ang pagkamatay ng kanyang nakakatandang kapatid, ang kasalukuyang kongresista ng Oriental Mindoro na Rep. Alfonso “Boy” Umali.
Si Rey ay naging chairman ng House committee on justice na nag-imbestiga kay Senator Leila de Lima patungkol sa, umano’y, koneksiyon nito sa mga sindikato sa droga noong siya ay kalihim ng hudikatura.
Si Rey, ay isang abogado, at nakasama sa mga kongresista na tumayong tagausig kay Corona.
Ayon kay Alfonso, maraming sakit ang kanyang kapatid – fatty liver (cancer) na natuklasan nitong nakaraang Disyembre 2020 hangang nagka-CoVid.
Nakiramay si Senior Deputy Speaker Doy Leachon ng unang distrito ng Oriental Mindoro.
“Let’s pray for the repose of the soul of our colleague, Rey. Our condolences to the whole family,” ani Leachon na isang matalik na kaibigan ng mga Umali.
Para kay House Deputy Speaker Mikee Romero, ang namumuno sa 54-member Party-list Coalition Foundation, Inc., sa Kamara, nakalulungkot ang pangyayari.
“Another good friend gone too soon. Another victim of the deadly CoVid-19 virus.”
“This is the third day in a row, good friends of mine fall prey to CoVid-19. Please do not let your guards down. CoVid-19 is still alive and is still vicious,” ani Romero.
(GERRY BALDO)