NATAGPUAN ang isang lalaking wala nang buhay sa isang kanal sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales, nitong Miyerkoles ng umaga, 6 Enero.
Kinilala ng mga awtoridad ang bangkay na si Gener Ramos, 55 anyos, residente sa Brgy. Mabayuan, sa naturang lungsod.
Nadiskubre ang katawan ni Ramos dakong 6:30 am sa isang kanal malapit sa outpost sa Barangay Gordon Heights.
Nabatid na paralisado ang kalahating katawan ni Ramos at nakatira sa nasabing outpost.
Pinaniniwalaang nadapa at nahulog ang lalaki sa kanal na naging sanhi ng kanyang kamatayan.
Magkatuwang na inalis ng mga pulis at rescue team ng barangay ang katawan ni Ramos mula sa kanal.