MARAMING kababayan natin ang nagtatanong kung ano na kaya ang magiging kaganapan sa Pista ng Quiapo 2021 na alam naman nating dinudumog ng milyong mga deboto na galing pa sa iba’t ibang dako ng ating bansa.
Bagama’t maraming ipinapagbawal at pinapasunod ang ating gobyerno hinggil sa banta ng CoVid-19 ay hindi pa rin natin masisiguro na ang lahat ng ipinatutupad ay magaganap.
Unang sinabi ng Inter-Agency Task Force (IATF) gayondin ang simbahan na walang magaganap na Traslacion, prusisyon, pahalik sa Itim na Nazareno at mga tradisyon hinggil dito.
Maliban sa pagpapadungaw ng Itim na Nasareno sa mga asotea ng simbahan ng Quiapo, San Sebastian, at Sta. Cruz ay walang iba pang bagay na inihanda ang simbahan.
Ang padungaw na ito ng Nazareno ay para sa mga deboto na gustong iwagayway ang kanilang mga panyo upang ipakita ang kanilang pagpupugay at respeto sa imahen.
Hanggang doon na lamang ang lahat ng limitasyon ng mga deboto upang estriktong maipatupad ng ating gobyerno ang health protocols hinggil sa pandemya.
Sana naman ay walang maging makulit at makontento ang lahat sa opinatutupad na alituntunin ng gobyerno at ng Simbahan.
May mga pagkakataon kasi na hindi nasisiyahan ang mga die-hard na deboto sa ganon-ganon lang na pagdiriwang. Hindi sila nasisiyahan hangga’t hindi nila nasisilayan o nahahagkan ang mahal na imahen.
Kung sa bagay ay dala na ito ng kanilang pananalig at pananampalataya kung kaya’t kahit harangan man sila ng kanyon ay pilit pa rin gagawin ang nais nila.
Iyan na nga ang dahilan kung bakit sila tinawag na mga deboto. Hindi sila pwedeng pigilan sa kanilang hangad na mahipo man lang ang imahen na pinagkukuhaan nila ng lakas at tibay ng loob.
Wala sa kanila ang banta ng maski na anong karamdaman o pandemya maging ito man ay delikado sa kanilang kalusugan at buhay, basta’t sila ay nananampalataya.
Kung ang pagbabasehan ay karapatan, maaaring may punto rin sila maski na paano ngunit iba pa rin ang ipinapasunod ng ating gobyerno pagkat ito ay para sa kapakanan ng lahat.
Harinawa’y hindi umabot sa ganitong situwasyon ang lahat at nawa’y hindi maging makulit ang ating mga kababayan, maging disiplinado dahil hindi lang ito ang pagkakataon upang ihayag nila ang kanilang pananampalataya at pagiging deboto ng Itim na Nazareno.
Pag-ingatan din natin ang banta ng mga taong sobra na ang saya at nagpapadala na sa inpluwensiya ng alak at iba pang magpapawala ng kanilang katinuan at kanilang malay, goodbye malay ‘ika nga, iwasan sana natin ito ha.
YANIG
ni Bong Ramos