PATAY ang isang barangay tanod nang pagbabarilin ng riding-in-tandem habang mahigpit na nagpapatupad ng safety health protocols sa Brgy. Del Carmen, sa bayan ng Floridablanca, lalawigan ng Pampanga.
Sa viral video, makikitang nagmamando ng quarantine checkpoint ang biktimang kinilalang si Joseph Labonera sa nasabing lugar at isa pang kasamang tanod dala ang isang megaphone upang paalalahanan ang mga nagdaraan na palaging sumunod sa safety health protocol.
Habang nag-iisa at walang kaantabay na pulis, biglang huminto sa harapan ng biktima ang mga suspek na magkaangkas sa puting Honda TMX 125 saka siya pinagbabaril nang apat na beses sa ulo at isa sa tiyan na nagresulta ng kanyang agarang pagkamatay.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungong bayan ng Porac sa nasabing lalawigan.
Patuloy ang isinasagawang hot pursuit operation ng mga kagawad ng Provincial Police Office sa pamumuno ni P/Col. Thomas Ibay upang malambat ang mga suspek sa lalong madaling panahon.
Samantala, magbibigay ng halagang P300,000 pabuya si Pampanga governor Dennis Pineda sa makapagbibigay ng mga mahalagang impormasyon para sa agarang ikadarakip ng mga suspek upang mapanagot sa krimen.
(RAUL SUSCANO)