DUGUAN at wala nang buhay nang matagpuan ng mga awtoridad ang katawan ng isang lalaki sa loob ng isang silid sa lodging house sa lungsod ng Valencia, lalawigan ng Bukidnon, nitong Lunes, 4 Enero.
Kinilala ang biktimang si Soriano Moreno, isang nurse mula sa bayan ng Bayog, Zamboanga del Norte.
Agad itinawag sa pulisya ni Jopher Pabate, kahera ng Versatile lodging house, na unang nakita ang duguang bangkay ng biktima sa loob ng isang silid sa kanilang estblisimiyento sa Purok 13, Poblacion, sa nabanggit na lungsod.
Nabatid na nag-check in ang biktima dakong 7:15 pm noong Linggo, 3 Enero, at sinabi sa kaherang may dalawang iba pa siyang kasama.
Dumaan sa exit ng lodging house ang dalawang tinutukoy na kasama saka pumasok sa Room 13.
Kinabukasan, nang bigong mag-check out ang biktima, puwersahang binuksan ng mga awtoridad ang pinto ng silid at nakita nila ang hubad at duguang katawan ng biktima na wala nang buhay at natatakpan ng kumot.
Ayon sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) team mula sa Bukidnon Provincial Crime Laboratory Office, ilang ulit sinaksak ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Tinatayang nasa 30 anyos ang biktima, may taas na 5’4″, at may mga tattoo ng kalapati at tatlong bituin sa kaliwang dibdib at kaliwang braso.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang dilaw na t-shirt, pilak na kuwintas, at gintong mga hikaw.
Ipinag-utos ni P/Col. Roel Lami-ing, direktor ng Bukidnon Provincial Police Office na magsagawa ng malalimang imbestigasyon upang masukol ang mga suspek.