WALANG MALAY nang madiskubre ang 23-anyos flight attendant na nasa bath tub matapos ang new year’s eve party kasama ang mga kaibigan sa isang hotel sa Makati City, inulat kahapon.
Kinilala ng pulisya, ang biktimang si Christine Angelica Dacera, flight attendant ng Philippine Airlines (PAL) ng General Santos City, South Cotabato.
Dakong 12:30 am nitong 1 Enero 2021 nang mangyari ang insidente sa loob ng isang unit sa City Garden Grand Hotel sa Kalayaan Avenue, Barangay Poblacion, Makati City.
Base sa isinagawang imbestigasyon, ang biktima kasama ang kapwa niya cabin crew at kaibigan na si Rommel Galida, Gregorio Angelo Rafael De Guzman, at John Dela Serna ay nag-check-in umano sa Room 2209 para mag-celebrate ng bagong taon at doon umano nag-inuman.
Umaga dakong 10:00 am nang madiskubre ni Rommel na walang malay ang biktima at pilit nitong ginigising ang dalaga ngunit hindi gumagalaw kaya tinawag sina De Guzman at Dela Serna na nagpatulong sa staff at dinala sa clinic ng hotel ang biktima para sa cardiopulmonary resuscitation (CPR).
Nagawa isugod sa Makati Medical Center ang babae ngunit ideneklarang dead on arrival.
Sa pahayag ni Rommel, nang magising siya ay nakita niyang nakatulog sa bath tub ang biktima kaya kinumutan ito at saka bumalik sa pagtulog.
Nang magising muli si Rommel ay nakita na nangingitim na ang labi ng biktima at walang malay.
Ayon kay Makati City Police Chief, P/Colonel Harold P. Depositar, ipinaalam ng Makati Medical Center (MMC) ang kaso ng pagkamatay ng biktima sa pulisya ng Makati dakong 5:00 pm nitong 1 Enero 2021.
Pinuntahan agad ng SOCO ng Makati Police ang Room 2209 para sa imbestigasyon at nakipagtulungan ang management ng City Grand Hotel kaya nakakuha sila ng footages ng closed circuit television (CCTV) sa pinagyarihan.
Aniya, sa pagsusuri sa bangkay, may abrasions at hematoma o mga pasa sa hita at tuhod habang inaalam pa kung may posibleng panghahalay na naganap bagamat hinihintay ang official results ng isinagawang medico legal ng Philippine National Police (PNP) at toxicology results kung may alcohol o droga ang bangkay.
Hawak ng pulisya ang ulat na ang cause of death ay aneurysm ngunit ito ay secondary lamang.
Kung mayroong ‘foul play’ magiging persons of interest ang siyam na indibiduwal na kasama ng biktima sa loob ng hotel.
Ayon kay Depositar, bukod sa magkakaibigan, may dumating din umanong mga kaibigan ng biktima kaya hindi bababa sa 10 katao kaya nagdagdag pa ng isang kuwarto bukod sa Room 2209.
Ang ibang kasama sa party ay nag-uwian na matapos ang inuman habang ang iba ay natulog sa isa pang kuwarto.
Hindi pa umano matukoy ng pulisya kung saan nangyari ang insidente, kasi around 6:00 am binubuhat ng mga lalaki papasok sa Room 2209 sa kuha ng CCTV ng hotel,” ani Col. Depositar.
Lumuwas mula sa General Santos City ang mga magulang ng biktima para makatulong sa pagkilala sa mga nakasama ng kanilang anak.
(JAJA GARCIA)