HALOS patapos na ang 2020 kaya pwede na nating simulan ang pagbabalik-tanaw sa taon ng pandemya at kwarantina na nakaapekto sa Pinoy Showbiz at sa iba pang larangan ng buhay.
Para sa amin, ito ang unang dalawang pinaka-nadama ng mga alagad ng libangan at mga tagasubaybay nila ngayong 2020.
1. Man of the Year si Carlo Lopez Katigbak.
Sa kalmado at napakadisenteng pamumuno ni Katigbak, napangibabawan ng ABS-CBN ang pagtanggal ng prangkisa nila kahit na kinailangang magbawas ang network ng empleado, stars and taLents, at programa.
Ang daming umasang bukas ang kamalayan ng mga congressman at congresswoman sa kahalagahan ng isang beteranong media establishment sa buhay ng bansa. Pero binigo sila ng 71 miyembro ng House of Representatives na ‘di pumayag na i-renew ang franchise ng ABS-CBN. Tatlo sa kanila ang pinangunahan na lubusang maparalisa ang network: ipinasara ang lahat ng broadcast outlets na may kinalaman sa Kapamilya Network.
May pandemya na ng Covid at kwarantina sa buong bansa noong maganap ang disenfranchisement. Pinakiusapan ang Kongreso na palitan ang pasya nila para ‘di mawalan ng trabaho ang marami sa 11,000 empleado ng ABS-CBN sa buong bansa. Nagbingi-bingihan ang Lower House.
Mayo noong tanggalan ng franchise ang ABS-CBN. Tumalima agad ang management para makapagpatuloy ang pagbo-broadcast nito sa lahat ng broadcast outlets na ‘di-sakop ng government franchise. Nagtuloy-tuloy ang buhay ng Kapamilya Network sa digital platforms at online streaming. Halos lahat ‘yon ay libreng natutunghayan ng madla. Ang Ilan sa mga ito ay ang ANC, iWant (na sa paglaon ay nag-merge sa TFC), Youtube channel, at Facebook page ng ABS-CBN.
Sa paglaon, nakipag-tie up sa free TV network na ZOE 11 ang Kapamilya Network at isinilang ang A2Z free TV.
Siyempre pa, mas makabubuti para sa lahat na bigyan na uli ng franchise ang network. Pero habang wala pa, mapayapa pa ring pinangungunahan ni Katigbak ang Kapamilya Network. ‘Di pa rin nagbabago ang personalidad n’yang hinangaan ng madla noong mapanlibak at mapang-akusang congressional hearings sa franchise renewal, pero mukhang biglang nagkaedad ang hitsura n’ya. Rati ay ‘di-halatang 50 years old na siya pero ngayon ay parang halata na.
Gayunman, siya pa rin ang Man of the Year ng Pinoy Showbiz 2020.
2. Ini-revive ng Brightlight Productions ni Albee Benitez ang kasiglahan ng TV5.
Ilang taon na ring parang limot na ng madla ang TV5 bilang entertainment network, pero noong tanggapin nito bilang pangunahing blocktimer ang Brightlight Productions, lumutang uli ng masiglang-masigla sa kamalayan ng publiko ang Kapatid Network.
Sa pamamagitan ng mga non-exclusive contract, nakuha ng Brightlight ang marami sa mga big star ng ABS-CBN para pangunahan ang ilang entertainment shows na ngayon ay mabunying itinatanghal sa TV5. Kabilang dito ay ang musical variety na Sunday Noontime Live na pinangungunahan nina Piolo Pascual at Maja Salvador, sa direksiyon ni Johnny Manahan, na iniwan ang ASAP Ko ‘To na siya ang pioneer director. Ang Brightlight ay pinamumunuan ng dating Negros Occidental Congressman na si Benitez. Pamoso at influential noong panahon ng mga Marcos ang magulang n’yang sina Jolly Benitez at Betty BantugBenitez. Naka-tatlong termino si Albee noon bilang congressman.