SINIGURO ni Raimond Magomedaliev na ang magiging susunod niyang laban ay sa One welterweight world title challenger na.
May pasakalye si Magomedaliev na tubong Russia nang gibain ang walang talo at baguhang si Edson “Panico” Marques sa kanilang bakbakan sa One: Collision Course II, inirekord ang event mula Singapore at inere noong Biyernes, 25 Disyembre.
Umentra ang Brazilian sa kontes na may perfect 9-0 slate, may kabilib-bilib na anim na sunod-sunod na KO victories, pero sinirang lahat iyon ni Magomedaliev nang patamaan niya ng makabasag-pangang suntok ang kalaban sa inaasahang malaking debut nito sa global stage.
Kailangan ng dalawang minuto ng Russian para tapusin ang trabaho.
Sa simula ng laban ay parehong nagsusukatan ng distansiya ang magkatunggali, dito nagpakawala ng matinding sipa si Magomedaliev na tumama sa binti ni Marques.
Sinundan pa uli iyon ng isang sipa na muntik nang magpasemplang kay Panico pero siya’y nakabalanse.
Muling nagkapormahan ang dalawa na naghihintayan ng kasunod na aksiyon pero dito umentra si referee Yuji Shimada na humihingi ng maraming aksiyon.
Nagpakawala ang Brazilian ng double-jab, na ginantihan din ng ilang jab ng Russian.
Sa pagpapatuloy ng bigayan ng matitinding suntok at sipa ng dalawa, sinimulang idesmaya ni Magomedaliev ang kalaban sa patuloy na pagbibigay niya ng sipa sa magkabilang binti ng kalaban.
Ilang segundo pa ang lumipas, ibinigay ang ‘finishing sequence’ ni Magomedaliev nang atakehin niya ng jab para pumaling sa kanan ang katunggali.
Gumanti ng left hook ang Brazilian pero nailagan iyon ng Russian at dito ibinigay niya ang isang matinding cross na nagpatikop kay Panico sa canvas.
Nang bumagsak si Marques sa canvas, klarong knocked-out siya kung kaya umentra ang referee para itigil ang laban.
Opisyal na nakuha ni Magomedaliev ang panalo sa 1:52 ng opening stanza. Mayroon ngayong 7-1 ang Russian at posibleng ang susunod niyang laban ay pagsabak kay ONE welterweight world champion Kiamrian “Brazen” Abbasov.