KALABOSO sa rehas na bakal ang tatlong bigtime pusher matapos malambat sa pinaigting na kampanya kontra droga ng PRO3-PNP nitong Sabado ng gabi, 26 Disyembre, sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Sa ulat ni P/Col. Rommel Batangan kay P/BGen. Valeriano de Leon, kinilala ang mga suspek na sina Noraden Ariray, alyas Conan, 18 anyos; Roberto Carbungco, 51 anyos, parehong itinuturing na High Value Individual (HVI) at kapwa residente sa naturang lungsod.
Kinilala ang isa pang suspek na si Anthony Bonifacio, 41 anyos, dating nakulong nang 10 taon at nakalaya sa kasong may kaugnayan sa droga, naaresto ng pinagsanib na puwersa ng CMFC/SWAT, MPU, CIU, at DEU bilang lead unit sa pamumuno ni P/Capt. Alfred Andal.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa mga suspek ang 800 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P5,440,000 at marked money na ginamit sa operasyon.
Kasalukuyang nakapiit sa Drug Enforcement Unit custodial facility ng Angeles City PNP ang mga suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at Section 11 ng RA 9165 o The Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (RAUL SUSCANO)