HANGGANG ngayon ay overwhelmed pa rin si Arjo Atayde sa pagkapanalo noong Biyernes (December 4) ng Best Actor Asian Academy Creative Awards.
Si Arjo ang kauna-unanag Pinoy na nagwagi ng acting award sa AAAs kaya naman masasabing gumawa ng kasaysayan ang actor nang masungkit ang unang acting award ng Pilipinas sa main competition.
Ang Best Actor award ni Arjo ay mula sa pagganap niya sa iWant original series na Bagman at tinalo niya sa kategoryang ito sina Luo Jin (China), Manoj Bajpayee (India), Miller Khan (Indonesia), Bront Palarae (Malaysia), Anthony Wong (Hong Kong), Kha Ra (Myanmar), Zhang Yao Dong (Singapore), Prin Suparat (Thailand), at Ching-Ting Hsia (Taiwan).
Bago pa man pangalanang pinakamagaling sa Asya, pinili ng jury members ng AAAs si Arjo bilang national winner na kumatawan sa Pilipinas sa Best Actor category.
Ang Dreamscape Entertainment at iWant (na ngayon ay kilala na bilang iWantTFC) naman ang pumili kay Arjo at nagpasok sa kanya sa local competition.
Bago pa man kilalanin sa ibang bansa, pinuri na ng maraming manonood at netizens sa Pilipinas ang pagganap ni Arjo bilang si Benjo Malaya, isang dating barberong umangat sa mundo ng politika at katiwalian.
Hindi naman talaga matatawaran ang galing na ipinakita ni Arjo sa Bagman. Kaya positibo rin ang reviews sa kanya sa dalawang season ng serye dahil sa matapang na paglalahad nito ng kalagayan ng lipunan at pagsusuri sa mundo ng politika at katiwalian.
Napapanood pa rin hanggang ngayon ang Bagman sa iWantTFC app (iOS at Android) at sa site (iwanttfc.com).
Nasa ikatlong taon na ang AAAs, na itinuturing na pinaka-prestihiyosong awards na kinikilala ang “creative excellence” sa buong Asia-Pacific kasama ang 16 bansa. Bahagi rin ito ng Singapore Media Festival.
SHOWBIZ KONEK
ni Maricris Valdez Nicasio