Sunday , December 22 2024

Isang Boys Love at tungkol sa healing priest, pinaka-interesting entries sa 2020 MMFF

SA sampung entries sa paparating nang 2020 Metro Manila Film Festival, dalawa ang masasabing super-interesting dahil sa pagiging ‘di nila typical bilang Pamaskong pelikula: ang The Boy Foretold by the Stars at ang Suarez: The Healing Priest.

BL (Boys Love) story ang unang nabanggit na pelikula at may suspetsang hindi papatulan ng madla ang kuwento ng mga batang lalaking nag-iibigan lalo na kung may bayad ang panonood nito.

Bilang free serialized digital screening lang dadagsain ng viewers ang BL stories. Kung may bayad ang panonood niyon, kaunting mga bading lang ang manonood ng pelikulang BL lalo pa’t ‘di naman mga sikat na aktor ang mga bida sa The Boy Foretold by the Stars na sina Adrian Lindayag at Keann Johnson.

‘Di pa rin kilala sa TV man o sa pelikula ang direktor ng pelikula na si Dolly Dulu (na tila isang transwoman).

Of course, ladlad na ladlad na bading si Vice Ganda na maraming taon nang nangunguna sa kita sa MMFF. Pero ‘di naman romance stories ang mga naging entry ni Vice sa mga nakaraang MMFF. May kaunting touch of romance lang pero ‘di talaga love stories.

Ang pagiging superheroine ng isang bading ang sentro ng mga pelikula ni Vice. Ang The Boy Foretold by the Stars ay love story talaga ng dalawang bading na macho ‘yung isa at effeminate naman ang magiging karomansa n’ya.

Pero haka-haka lang na kaunti ang nanonood ng The Boy kung kailangan pa nilang magbayad. For all we know, ‘yung lagpas na sa isang million na total viewers ng lahat nang serialized digital film ay handa ring manood ng may bayad.

After all ‘di naman mahal ang P250 per viewing na bayad sa MMFF 2020 na online lang din mapapanood worldwide. ‘Yung mga adult na nasa inililihim pa ang pagkabading nila ay ‘di magkikita na pumipila sa mga sinehan para panoorin ang The Boy… Kahit saang sulok ng bahay nila, o kahit saang lupalop na reliable ang Internet, pwede silang manood at magpantasya na isang araw ay makakatagpo rin sila ng ka-BL nila. ‘Yung karelasyon na ‘di nila kailangang bayaran o gawaan ng napakaraming pabor para ‘di sila iwanan na parang mga basang sisiw.

Oo nga pala, sa December 30 ay magi-premiere sa Netflix globally ang Gameboys Level-Up edition. Siguradong alam n’yo nang BL ang pelikula na expanded version ng ipinalabas ng libre sa You Tube, sa iWant, at sa iba pang digital platforms.

Parang adult version na baka may love scene talaga sina Elijah Canlas at Kokoy de Santos bilang young boy lovers. Siyempre, may bayad manood ng Netflix. Kung kumita ang pelikula nang napakalaki sa Philippine audiences at sa iba pang bansa, ibig sabihin ay bebenta ang mga BL movie natin na kasing well-acted at well-produced na Gameboys.

Of course, by December 30, nakaapat na araw na ng palabas ang The Boy, at siguro naman ay matatantya na kung malakas nga ba ‘yon o hindi. Pero sana malakas, para ‘di madala ang producer nito na ang aktres na si Jodi Sta. Maria!

Samantala, ang Suarez: The Healing Priest naman ay ang kauna-unahang religious film na ipalalabas sa isang MMFF–puwera na lang kung ituturing na “religious” ang Miracle in Cell No. 7 na entry last year at napabilang sa top grossers.

Ang The Healing Priest ang ‘di pwedeng ‘di maging religious dahil tungkol nga ito sa isang pari na nagsasabing instrumento lang siya ng Diyos sa pagpapagaling sa mga taong may sakit.

Kung mahilig kayong magbasa tungkol sa controversial celebrities, baka alam n’yo na kung gaano kakontrobersiyal si Fr. Fernando Suarez na siyang subject ng pelikula. Napaka-kontrobersiyal ng yumaong healing priest na ang burol noong Pebrero ng taon na ito lang ay dinaluhan pa ni Presidente Duterte.

Ang isa sa naging kontrobersiya tungkol kay Fr. Suarez ay ‘yung naakusahan siyang nangmolestiya raw ng dalawang lalaki sa isang Chapel sa San Jose, Mindoro Oriental noong 2014–pero mga 2016 na isinampa ang kaso sa Arsobispado sa Maynila at hindi sa Mindoro.

Inimbestigahan si Father at umabot sa punto na sinuspinde siya na magmisa at mag-healing. Pero napawalang-sala siya ng Vatican noong Enero ng taong ito lang. Naghahanda na nga siyang maging aktibong pari uli–pero naunahan siya ng pagyao noong Pebrero 4. Totoo raw na namolestiya ‘yung dalawa pero hindi si Fr. Suarez ang may kagagawan niyon.

Sabi ng dating newswoman na si Deedee Sytangco, na publicist ng Mission of Mary Mother of the Poor na ang founder ay si Fr. Suarez, napakarami kasing inggit na inggit sa estado ni Fr. Suarez kaya napakaraming kontrobersiya ang ikinulapol sa kanya.

Authorized biography ang Suarez: The Healing Priest. Ibig sabihin, may “say” siya sa paggawa nito. In fact, may mga eksena pa ngang siya mismo ang gumanap, bagama’t sa mas malaking bahagi ng pelikula ay si John Arcilla ang gumanap, sa direksiyon ni Joven Tan.

Patapos na ang syuting ng pelikula nang yumao siya, pero ‘di na n’ya nasaksihan ang last day of shooting ng ikalawang linggo ng Pebrero.

Nakaka-curious malaman kung pumayag si Fr. Suarez na isama sa pelikula ang akusasyon sa kanya na sexual molestation at kung alin sa iba pang kontrobersiya na ikinulapol sa kanya.

Pinanood namin sa You Tube ang ilan sa mga homily n’ya sa mga misa n’ya. Ang dama namin ay tama ang perspektibo n’ya sa sa pananalig niya sa Diyos. Tama rin ang perspektibo n’ya na kaya nagkakasakit ang mga tao ay dahil sa mga mali nilang paniniwala tungkol sa Diyos at kung paano kumikilos ang Diyos sa ating buhay.

Sa aktwal na panonood lang ng pelikula natin malalaman kung ano ang inilalahad ng Suarez: The Healing Priest, kaya ineengganyo namin kayong panoorin ito. Proyekto ito ng Saranggola Media Productions na pinamumunuan ni Edith Fider.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Enrico Roque

Paghuli kay Mayor Roque nakabibigla

PUSH NA’YANni Ambet Nabus SOBRANG shock din ang mga nakakikilala kay Pandi, Bulacan Mayor Enrico …

Bobby Garcia

Theater director Bobby Garcia pumanaw sa edad 55

PUSH NA’YANni Ambet Nabus PUMANAW na rin at 55 years old ang kilalang stage actor-producer-director …

Atong Ang Sunshine Cruz.

Atong Ang inamin relasyon kay Sunshine

INAMIN ng negosyanteng si Atong Ang na may relasyon sila ng aktres na si Sunshine …

Bong Revilla Jr Boss Toyo Beauty Gonzalez Walang Matigas Na Pulis sa Matinik Na Misis

Sen Bong walang nakikitang mali sa mga lalaking takot sa kanilang misis 

MATABILni John Fontanilla MATALINO, mapagmahal, may puso. Ito ang paglalarawan ni Senador Bong Revilla sa …

Vilma Santos

Vilma pumalag ginagamit ng isang pekeng gamot online

HATAWANni Ed de Leon GUMAWA na po ng statement ang Star For All Seasons na …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *