NILAGDAAN ang Deed of Usufruct sa pagitan ng Department of Labor and Employment (DOLE) at pamahalaang panlalawigan ng Pampanga sa pamumuno nina Governor Dennis “Delta” Pineda at Vice Governor Lilia “Nanay” Pineda sa isinagawang kick-off ceremony sa inilunsad na kauna-unahang OFW hospital sa bansa na itatayo sa dalawang ektaryang lupain sa Provincial Engineer’s Office (PEO) Compound, Sindalan, sa lungsod ng San Fernando, sa naturang lalawigan.
Dumalo sa nasabing aktibidad sina Presidential Spokesperson Harry Roque, DOLE Secretary Silvestre Bello, DOH Usec. Lilibeth David, OWWA Administrator Hans Leo Cacdac, at PAGCOR Executive Officer Andrea Domingo, at iba pang personalidad.
Ayon sa pahayag ni Secretary Harry Roque, ito ay patunay na sineryoso ng gobyerno na palakasin ang health care service upang bigyang karapatang pangkalusugan ang mga mamamayan at sa tingin niya na nagsilbing aral ang karanasan sa pandemyang CoVid-19 para mas mabigyang prayoridad at siya umano ay nagagalak na ito ay hindi lang ospital para sa lahat ng Filipino kundi ospital para sa mga bagong bayani, ang mga OFW.
Naglaan ng pondong P500,000,000 ang Bloomberry Cultural Foundation Inc., samantala nagbigay din ng P300,000,000 ang PAGCOR, at nagtakda ng P500,000,000 ang pamahalaang panlalawigan ng Pampanga upang maisakatuparan ang pagpapatayo ng proyekto para mabigyan ng libreng serbisyong medikal ang mga OFW at ang kanilang mga pamilya. (RAUL SUSCANO)