SINABI ni Taguig-Pateros First District Rep. Alan Peter Cayetano noong Biyernes na kompiyansa siyang mapapaunlad muli ng Philippine Olympic Committee (POC) ang larangan ng sports sa bansa at matututukan ang mga atletang FIlipino sa ilalim ng bagong termino ng pamumuno ni Cavite 8th District Rep. Abraham “Bambol” Tolentino.
“Ang kanyang muling pagkapanalo ay nangangahulugan ng vote of confidence ng mga lider ng national sport associations sa isang progresibong lider na mas tutugon sa kanilang pangangailangan,” wika ni Cayetano matapos ang POC elections nitong nakaraang 27 Nobyembre 2020.
Nahalal sa ikalawang pagkakataon si Tolentino bilang pangulo ng organisasyon.
Pinuri ni Cayetano ang pagiging epektibo at “inspiring” na estilo ng pamumuno ni Tolentino na nakatulong umano upang maging isang malaking tagumpay ang 2019 SEA Games.
Wika ni Cayetano — chairman ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na nanguna sa pag-oorganisa ng 30th SEA Games na ginanap sa Filipinas noong 2019 — malaki ang naging ambag ni Tolentino sa muling pagkapanalo ng Filipinas sa nasabing paligsahan na ginaganap tuwing ikalawang taon.
“Umaasa kaming ang pamunuan ng POC ay patuloy na bibigyan ng inspirasyon at nararapat na suporta ang ating mga atleta lalo tuwing nasa kompetisyon,” ani Cayetano.
Hinikayat din niya ang pamunuan ng organisasyon na kumayod agad-agad para sa pangarap ng bansa na mas humusay pa sa mga darating na palakasan.
Kompiyansa rin si Cayetano na maipagpapatuloy ni Tolentino ang “legacy of winning” na iniwan ng nakaraang SEA Games sa bansa.
“Buo ang paniniwala kong magtutuloy-tuloy ang pagtutulungan at lakas ng lahing Filipino na muling binuhay ng ating pagkakaisa at sama-samang pagkapanalo noong SEA Games,” wika ni Cayetano.
“Inaasahan ko rin paiigtingin ng POC ang mga programa nito, at mananatiling nakatuon sa ating iisang mithiin – na ang sports ay maging isang nagniningning na inspirasyon para sa ating mga kabataan at maging daan tungo sa pagkakaisa ng buong bayan,” dagdag ni Cayetano.