HINDI dapat mabahala ang mga motorista kung puno na ang slots ng online appointment systems para sa RFID installation.
Paglilinaw ni Mhanny Agusto, corporate communications specialists ng Metro Pacific Tollway Corporation (MPTC), walang katotohanan ang napabalita sa social media na hanggang 1 Disyembre na lamang ang deadline sa pagkakabit ng RFID sticker.
Ibig sabihin, kung ikaw ay isang motorista na wala pang RFID at dumaan sa toll gate sa 1 Disyembre, saan ka man pumila, kakabitan pa rin ang sasakyan mo ng RFID sticker.
Kung hindi man sa mismong toll gate, kakabitan ka ng RFID sticker sa installation site/tent bago o pagkalagpas ng toll gate.
Sa inilabas na Advisory ng Department of Transportation (DOTr) simula 1 Disyembre hanggang 11 Enero, magiging 24/7 ang kabitan ng RFID sa lahat ng toll lanes o booths malapit sa mga toll gates sa ilalim ng pagmamahala ng MPTC.
Ang pagpapatupad ng cashless transaction sa mga tollgate ay isinusulong lalo ngayong panahon ng pandemya, upang mabawasan ang banta ng virus transmission sa pagitan ng tellers at motorista. (JAJA GARCIA)