NATIMBOG ng mga awtoridad ang isang barangay kagawad, kapatid nito, at dalawang sinasabing bading nang mabuko sa panghoholdap sa isang Chinese national sa loob ng hotel, sa Pasay City kàmakalawa.
Kinilala ni P/Maj. Wilfredo Sangel, hepe ng Station Investigation Division (SID) ang mga suspek na sina Allan Romero, kagawad ng Barangay 34, sa Pasay; John Michael Romero, 23, ng Leveriza St., Barangay 34; at ang dalawang mukhang babaeng bading na sina Ralp Jenric Manahan, 20 anyos, ng D4 Post Proper Teachers CMID North Side, 12000, Makati City; at John April Gomez, 26, ng Leveriza St., Barangay 34, Pasay City.
Ayon kay Major Sangel, nangyari ang insidente sa loob ng Sogo Hotel, sa Roxas Boulevard Service Road, Barangay 13, Pasay City dakong alas 11:50 pm.
Sa reklamo sa pulisya ng biktimang si Hung Pin Lo, 29 anyos, nanunuluyan sa Solemare Parkside Tower B, Diosdado Macapagal Blvd., Parañaque City, kasama niyang nag-check-in sa Sogo Hotel ang isa sa suspek na magandang babae pero nadiskubreng bading.
Pumasok umano sa comfort room ang biktima para mag-shower pero paglabas niya nakita ang inakalang babae (bading) at isang lalaki na nasa loob ng inokupahang silid at hiningi ang kaniyang wallet, dalawang cellphone na kinabibilangan ng iPhone 11.
Humingi agad ng assistance ang biktima sa guwardiya upang habulin ang mga suspek na nagkataong dumaan sa tapat ang mobile patrol ng Pasay Police sakay sina P/Lt. Antonio Cruz, Jr., P/Exec. Master Sgt. Gary Ferreras, P/MSgt, Rommel Salcedo, P/SSgt. Ramon Gumilao, P/Cpl. Bryan Diaz at P/Cpl. Levon Bamba na bumaba upang alamin ang komosyon.
Sa loob ng lobby inabutan ang kaguluhan at nakorner kaya nakorner ang mga suspek at nabawi ang 2 Oppo A5S cellphones at isang iPhone 11; at cash na P5,000.
Kinompiska ang Colt 45 M1911A1 na may serial number 976854 may walong bala; isang kalibre 22 pen gun; at Mio motorcycle, kulay magenta na walang plaka na ginamit ng isang kagawad na nagsilbi umanong lookout sa holdapan.
Isinailalim sa inquest proceedings ang apat na suspek sa reklamong robbery, armed with firearms and deadly weapon habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunitions).
Ayon kay Major Sangel, ipinoproseso pa nila ang beripikasyon sa baril at kung kaninong pangalan ito nakarehistro.
“Mag-ingat ang publiko sa mga napakagagandang ‘bading’ kasi mapapa-wow ka talaga sa ganda hindi mo aakalaing hindi babae. ‘Yun pala mga sindikato ng holdapan, marami na palang nangyaring tulad niyan na hindi naman inire-report sa amin kaya magbabantay na kami,” sabi ni Major Sangel. (JAJA GARCIA)