BUTI naman at may panahon at malasakit si Lea Salonga na punahin ang klase ng mga learning modules na ipinagagamit sa mga kabataang estudyante sa panahong ito ng homestudy system sa bansa dahil sa pandemya.
Nagbuga sa Instagram n’ya ng ngitngit ang pangunahing Broadway actress-singer sa bansa tungkol sa lumaganap na learning exercise sa Araling Panlipunan (Social Studies) na nakasaad, na ang mga taong may tattoo sa katawan ay mga kriminal.
May nakarating sa kanyang screen shot ng nasabing learning exercise. Ang learning exercise ay parang isang quiz na may mga sasaguting katanungan ang mag-aaral. Sa exercise na nag-react nang matindi si Lea, multiple choice ang presentasyon. Ang tanong ay: “Ang tattoo ay simbolo ng _______.”
Ang pagpipiliang mga sagot ay: “A. pagiging kriminal, B. pagkaalipin, C. kagitingan at kagandahan, at D. pagiging mababa ng katayuan sa lipunan.”
Sa answer key na nagmula umano sa Department of Education ang sagot ay choice “A.”
Reaksiyon ni Lea: “Okay, someone would need to tell me if this thing is really ok’d by the DepEd.
“And if so, WHAT KIND OF BS IS THIS???”
Ang ibig sabihin ng “BS” ay “bullshit,” na bale isang pagmumura.
Dagdag pa n’ya (published as is): “I am THISCLOSE to getting a tattoo, if only to prove a point.”
Sa mga ninuno nating mga Pinoy bago pa man dumating ang mga mananakop na Kastila, ang pagkakaroon ng tattoo ay simbolo ng kagitingan o kagandahan. Totoo rin ‘yon sa iba pang kultura. At hindi lang mga lalaki ang may tattoo, kundi pati ilang babae.
May tribu sa Pilipinas na binansagang “Pintados” dahil maraming tao roon ang may pinta sa katawan na ang tawag sa ibang kultura ay “tattoo.”
Nasa Philippine history books naman na may Pintados tayo, kaya’t nakapagtataka na ‘di alam ng kung sino mang sumulat ng learning exercise na ‘yon na ‘di mga kriminal ang mga sinaunang Pinoy na may tattoo. [At hindi pa “Filipino” ang tawag sa atin noong panahong ‘di pa tayo nasakop ng mga Kastila.)
Pero totoo rin na may mga Pinoy na convicted criminals na may mga tattoo at ilan sa kanila ay sa preso nalagyan ng mga tattoo. Ang ilan sa mga tattoo nila ay indikasyon ng criminal gang na kinabibilangan nila.
Nakakabagabag, kundi man nakatatakot, na parang kapos na kapos sa kaalaman ang gumawa ng exercise na ‘yon. Masamang impluwensiya sa kabataan natin ang mali-maling turo. Magtutunog mangmang sila kapag ipinilit nila sa mga marurunong ang mga maling bagay na naituro sa kanila.
Parang nadaragdagan nang nadaragdagan ang mga madidiskubreng mali sa mga self-learning modules na ipinagagamit sa mga batang mag-aaral natin.
At kung ‘di naman mali ay ‘yung may kabastusan, gaya niyong nadiskubre kamakailan na panlalait sa katawan ni Angel Locsin.
May iniangal na rin noon ang direktor na si Joey Javier Reyes na ipinarating sa kanyang isang learning exercise tungkol sa mga sikat na hugot lines at kinakailangang i-identify ng mga estudyante kung saan-saang pelikula nagmula ang mga ito. Siya na mismong film director ay ‘di naniniwalang karapat-dapat aralin ang hugot lines na ‘yon.
Samantala, dahil sa matinding stature ni Lea bilang international actress, parang walang akusasyon ang mga Duterte loyalist na nagdudunong-dunungan lang si Lea. (Pero totoong higit na marunong si Lea kaysa mga bayarang trolls.)
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas