USAP-USAPAN sa social media at mga boxing websites na target sumampa sa 140 pounds ang bagong superstar ng boksing na si lightweight champion Teofimo Lopez para hamunin si boxing legend Manny Pacquiao sa susunod na taon.
Galing si Lopez sa impresibong panalo sa dating pound-for-pound king na si Vasyl Lomachenko via unanimous decision nung nakaraang buwan para mging unified champion sa timbang na 135.
Ayon sa alingasngas sa mga social media, puwede nang tumalon si Lopez sa mas mataas na timbang na welterweight ngayong nagniningning ang pangalan niya sa boksing. Di maikakaila na ang welterweight ang pinakamayamang dibisyon ngayon ng sport dahil naroon ang malalaking pangalan tulad nina Pacquiao, Terence Crawford, Errol Spence at iba pa.
Pero sa tatlong malalaking pangalan sa nasabing dibisyon ay si Pacquiao ang target ni Lopez para sa pinakamayamang laban. At dagdag pa niya na kung mahihirapan siya na maabot ang welterweight, puwede naman silang magharap sa super lightweight/light welter para maikasa ang megafight.
Hindi sekreto na ang ideal weight ng Filipino Senator ay ang light at super lightweight kaya eksaktong-eksakto ang dream fight sa panimula ng 2021.
Walang problema kay Pacman kung bababa ito sa mas mababang timbang kung nakahain ang mayamang laban kontra kay Lopez na taya ang ilang bakanteng world titles.
Tiyak na matutuwa ang boxing fans kung maikakasa ang labang Pacquiao vs. Lopez dahil ang huli ay isa nang ganap na superstar sa United States. At kung matutuloy ay mapagtatakpan pa ng laban ang pagkadismaya ng lahat sa pagkadiskarel ng unification bouts sa pagitan nina Crawford at Spence Jr.
Kung hindi naman maikakasa ang labang Pacquiao-Lopez, ang option ng huli ay bigyan ng rematch si Lomachenko o kaya’y harapin sina Devin Haney, Gervonta Davis at Ryan Garcia na lahat ay naghahamon sa kanyang trono.