SPEAKING of Kim Chiu (bilang unang grand winner Season 1 ng Pinoy Big Brother), nagulat siya dahil umabot na sa mahigit 135k ang audition entries noong Oktubre 29, habang 76,704 naman ang aspiring housemates na nagpakita ng kanilang mga talento at kuwento ng buhay para makapasok sa Bahay ni Kuya. Ito na ang pinakamalaking bilang ng auditionees sa kasaysayan ng sikat na reality show ng ABS-CBN.
Kaya KUMUnect na kay Kuya ang mga Pinoy mula sa iba’t ibang parte ng mundo, na patuloy na dumaragsa sa ginaganap na PBB Connect online auditions sa livestreaming app na Kumu na umabot sa 1.3 milyon diamonds ang unang livestream nito tampok ang audition entries ng aspiring housemates.
Ang diamonds ay virtual na regalo sa Kumu na ibinibigay ng manonood sa isang streamer.
Bukod diyan, nakakuha rin ang unang live ng PBB KUMUnect ng 526,400 likes habang 127,300 naman ang tumutok sa livestream. Marami pang sorpresa at pakulong mapapanood tuwing 5:00 p.m. sa opisyal na Kumu account ng PBB (PBBABSCBN), maging sa iba-ibang social media accounts nito.
Samantala, tuloy pa rin ang online auditions sa Kumu para maging isa sa 12 bagong housemate ni Kuya hanggang Nobyembre 11 kaya payo ni ABS-CBN entertainment production head Laurenti Dyogi, kailangan lang magpakatotoo ng mga gustong sumali.
“Make sure that it’s an authentic way of presenting yourself. Kasi kung hindi ‘yun ang totoong pagkatao mo, malalaman at malalaman namin ‘yan,” aniya sa ABS-CBN News.
Hangarin ng ABS-CBN at ng Kumu na magbigay pag-asa at pagtibayin pa ang koneksiyon ng mga Filipino lalo na ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng PBB Connect. Mapapanood ito sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, A2Z channel 11, at via livestreaming sa Kumu.
Reggee Bonoan