BONGGA ang mga programa at artista ng ABS-CBN sa katatapos na 51st Box Office Entertainment Awards ng Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation dahil kinilala ang Kapamilya Network sa iba’t ibang kategorya.
Nanguna ang box office hit na Hello, Love, Goodbye sa pagkapanalo nina Kathryn Bernardo at Alden Richards ng Phenomenal Stars of Philippine Cinema gayundin bilang Film Actress at Film Actor of the Year. Wagi rin si Cathy Garcia-Molina bilang Most Popular Film Director at nanalo rin siya ng Most Popular Screenwriters kasama sina Carmi Raymundo at Rona Go. Itinanghal namang Most Popular Film Producer ang ABS-CBN Film Productions.
Pinarangalan din sina Liza Soberano at Enrique Gil bilang Most Popular Loveteam for Movies at Prince and Princess of Philippine Movies para sa Alone/Together.
Sa TV category, itinanghal na TV Actor and Actress of the Year (Primetime Drama) sina Coco Martin at Angel Locsin, habang napanalunan din nina JM de Guzman at Dimples Romana ang parehong titulo sa Daytime Drama na kategorya. Nasungkit naman nina Joshua Garcia at Janella Salvador ang titulong Prince at Princess of Philippine Television para sa kanilang pagganap sa The Killer Bride.
Wagi rin si Tirso Cruz III bilang TV Supporting Actor of the Year, habang TV Supporting Actress of the Year naman si Yassi Pressman. Kinilala rin ang husay nina Christopher de Leon (All-Time Favorite Actor) at Lorna Tolentino (All-Time Favorite Actress).
Ang Gold Squad na sina Andrea Brillantes at Seth Fedelin ay itinanghal na Most Promising Loveteam at sina Francine Diaz at Kyle Echarri naman ang Most Promising Female and Male Star for Television. Ang child star na si Sophie Reola ng Nang Ngumiti Ang Langit ay ginawaran din ng Most Popular Female Child Performer.
Kinilala rin ang mga teleserye ng ABS-CBN tulad ng The General’s Daughter (Best Acting Ensemble in a Drama Series), FPJ’s Ang Probinsyano (Popular TV Program-Primetime Drama), Kadenang Ginto (Popular TV Program-Daytime Drama), Magandang Buhay (Popular TV Program-Talent Search/Reality/Talk/Game Show), at ASAP (Popular TV Program-Musical Variety/Noontime/Primetime).
Sa musika, wagi ang ABS-CBN artists na sina Lea Salonga (Female Concert Performer of the Year), Martin Nievera (Male Concert Performer of the Year), Gary Valenciano (Male Recording Artist of the Year), Regine Velasquez-Alcasid (Female Recording Artist of the Year), Maris Racal (Promising Female Recording Artist of the Year), at Kiana Valenciano (New Female Concert Performer of the Year).
Maging ang mga concert ng mga personalidad na ABS-CBN ang nag-produce ay nanalo rin kabilang na sina Ian Veneracion (New Male Concert Performer of the Year) at Aegis (Group Concert Performer the Year).
Nagtagumpay din ang magkapatid na sina Toni at Alex Gonzaga bilang Female TV Host of the Year at Popular Female Influencer of the Year.
Maricris Nicasio