PAHIHINTULUTAN nang pumasadang muli ang mga motorcycle taxi na kung tawagin ay Angkas ngunit napakaraming patakaran na gustong ipatupad ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Task Force Against CoVid-19.
Isa sa gustong ipatupad ng nasabing task force ang paggamit muli ng barrier na dati na nilang inobligang gamitin ng riders na may angkas.
Maraming gumagamit ng motorsiklo at mga eksperto ang umalma sa patakarang ito dahil umano, hindi raw praktikal at hindi rin angkop na gamitin ang barrier sa kasalukuyang kalagayan ng bansa.
Delikado rin anila, hindi epektibo at panibagong gastusan na naman daw ito imbes ipambili na lamang ng mahahalagang bagay tulad ng pagkain, gamot, at marami pang iba na mas higit na kailangan sa panahong ito.
Unang ipinatupad ng mga nasabing task force ilang buwan na ang nakalilipas ngunit mismong sila rin ang nagbasura nito sa kadahilanang may katuwiran at punto ang mga kumontra rito. E bakit nga ba muling pinagagamit ang barrier?
Baka hindi na raw makahinga ang mga tao dahil sa sobrang dami ng gadget at props sa katawan na lumalabas na overacting na ang dating. Mantakin ninyong mayroon nang face mask at close helmet, dadagdagan pa ng barrier.
Tsk tsk tsk…
Bukod sa barrier, obligado rin daw na magkaroon ng partikular na helmet gamit ang kanilang iaangkas dahil mahirap daw ang maghiraman.
Kung sa bagay ay may punto sila riyan dahil halimbawang mayroong kuto o lisa ang taong may-ari ng helmet e patay kang bata ka. Maaari rin daw mabugahan ng droplet mula sa anit at buhok kaya puwedeng mahawa ng CoVid-19. He he he…
Ang mabigat dito, ang panibagong bilihan at gastos na na daranasin ni Juan de la Cruz sa kabila ng hirap at sakripisyo dahil sa pandemic.
Ayos lang daw dahil maaari mo naman gamitin ito nang lifetime at puwede rin maging souvenir kapag nalagpasan ang killer virus.
Sana naman ay huwag nang obligahing gumamit ng barrier ang mga rider dahil base raw sa ginawang pag-aaral ng ilang eksperto, napag-alaman na ang mga nakasakay sa motorsiklo ay hindi basta-basta kakapitan ng virus dahil nasa open air at siguradong papadparin ng hangin ang anomang elemento na makasasama sa ating kalusugan.
Malaki nga naman ang posibilidad na mas ligtas ang mga lulan ng motorsiklo kaysa ibang sasakyan tulad ng kotse, dyip, bus o maski na eroplano dahil kulob ang mga ito at walang pagdadaluyan ang hangin. Natural kayo-kayo rin mga sakay nito ang maglalanghapan , ‘di po ba?
YANIG
ni Bong Ramos