NASABAT ng mga operatiba ng Station Drugs Enforcement Unit (SDEU) ng Parañaque City Police ang tinatayang 187 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,271,600 sa tatlong drug suspects sa ikinasang buy bust operation sa Parañaque City, nitong Linggo ng gabi.
Kinilala ni Parañaque City police chief Col. Robin King Sarmiento ang mga suspek na sina Narding Kasinm, alyas Nad, 50 anyos; Haron Guiabel, alyas Ron, 48; at Alia Manampen, alyas Alia, 50, pawang residente sa Irasan Street, Barangay San Dionisio ng nasabing lungsod.
Base sa ulat, dakong 10:0 pm nang magkasa ng buy bust operation ang mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni P/Maj. Anthony Alising laban sa mga suspek sa Irasan St., Barangay San Dionisio sa Parañaque City.
Nakompiska ang 12 pakete na naglalaman ng shabu, at P1,000 bill na may kasamang boodle money na ginamit na buy bust money sa nasabing operasyon.
Dinala ang mga ebidensiya sa SPD Crime Laboratory upang suriin.
Nakakulong sa Custodial Facility ng pulisya ang mga suspek na mahaharap sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JAJA GARCIA)