Sunday , November 17 2024
Liza Soberano

Liza, hinikayat na idemanda ang “troll” na nagbansag sa kanya ng Komunista

NASA Amerika pa si Liza Soberano, kasama ang boyfriend n’yang si Enrique Gil, habang isinusulat namin ito at mainit siyang pinag-uusapan dito sa Pilipinas.

 

Nasa Amerika sila para alagaan ang maternal grandmother ni Liza na may sakit.

 

Matinding pinag-uusapan si Liza rito sa Pilipinas dahil sa bintang sa kanya ng pinaghihinalaang isang troll (taong bayaran para manirang puri sa mga umano’y anti-Duterte) na Komunista na raw ang batang aktres at sumali na sa mga rebeldeng New People’s Army.

 

“Maui Becker” ang gamit na pangalan ng umano’y troll sa tahasang pagsasabi n’ya na komunista na si Liza dahil nagsalita ang aktres sa isang webinar na ang nag-organisa ay ang Gabriela Youth, ang sangay na pangkabataan ng organisasyon ng mga aktibistang babae na ang pangalan ay Gabriela. 

 

Tinig ni Nene: Reclaiming Our Voice on the International Day of the Girl Child ang pamagat ng online seminar.

 

Sa ano mang bahagi ng naka-record na mga pahayag ni Liza sa webinar ay walang pahayag ng intensiyon na pabagsakin si Pangulong Duterte at ang pamunuan nito. Walang binigkas ni isang pangungusap si Liza na may kaugnayan sa politika.

 

Pawang tungkol sa kalagayan ng mga babae sa bansa ang ipinahayag ni Liza. May punto pa nga sa pagsasalita n’ya na naiyak siya sa kawalang-galang ng ilang mga lalaki sa mga babae.

 

Heto ang isang bahagi na tinalakay ni Liza: “I know a lot of women in my life who have struggled with this.

 

“And I find it so unfair that we women have to go out every day in fear of being catcalled, in fear of dressing a certain way, and getting called out for the way we’re dressed.

 

“And I fear that my nieces and my future children won’t be able to go out into a safe environment.”

 

Nabanggit din ni Liza na dati-rati ay takot siyang magpahayag ng opinyon tungkol sa mga isyung panlipunan.

 

Pero napaghinuha rin niyang mahalaga ang manindigan nang siya mismo ay masabihan ng “sarap ipa-rape” ng isang babaeng netizen.

 

Dahil dito, hinikayat ni Liza ang mga kilalang personalidad na manindigan at suportahan ang mga kababaihan at kabataang nabibiktima ng pang-aabuso at karahasan.

 

Noong October 14, ang speech ni Liza ang tinalakay ng live stream ng vlogger na si Maui.

 

May mahigit 9,000 subscribers ang vlogger, na ang tawag sa sarili ay “DDS Princess.”

 

Ang ibig sabihin ng DDS ay Diehard Duterte Supporters o mga masugid na tagasuporta ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Ugali ng DDS na manuligsa ng sinumang sikat na tao na hindi pabor sa Pangulo. Dahil nagsalita si Liza tungkol sa pang-aabuso, na isang kahindik-hindik na krimen, kaya siya naisip laitin ng “DDS Princess.”

 

Nilagyan pa ni Necker ng titulong “LIZA SOBERANO, MIYEMBRO NA NG NEW PEOPLE’S ARMY?”

 

Kinuwestiyon ni Becker ang pagpayag ni Liza na maging bahagi ng mga proyekto ng Gabriela at sinabihan pa na atupagin na lang ang pagiging artista.

 

“Intindihin mo na lang ang trabaho mo. Pero sige, kalayaan mo ‘yan pero make sure lang na knowledgeable ka sa mga bagay-bagay,” banat ng vlogger.

 

Pero agad din nitong sinundan ng panlalait. Aniya: “Eh, ngayon mukhang wala kang alam na ‘yung Gabriela ay salot sa lipunan, miyembro ng mga terorista at komunista, rebelde, NPA, front ng NPA. At wala kang ka ide-idea. Eh, kung ganyan na wala kang kaalam-alam Liza, eh manahimik ka. At hands off our children, Liza, you stupid b****.”

 

Umalma ang fans ni Liza at marami sa kanila ang nag-post sa social media ng pagtatanggol sa kanilang idolo at sa paglaon ay naging top trending topic na nga sa Twitter ang hashtag #DefendLizaSoberano.

 

“I-report natin ang mga ganitong content. Hindi lang dapat #DefendLizaSoberano kundi i-defend natin ang lahat ng mga gustong magsalita laban sa administrasiyon na siyang nila-label naman bilang mga ‘terorista’. #StopTheAttacks,” mungkahi ng isang Twitter user.

 

“Resorting to red-tagging just to discredit Liza Soberano and Gabriela Youth’s efforts to raise awareness on women and children’s issues really shows you how a woman’s voice, one that stands firmly with her sisters and her countrymen, makes fascists quiver,” comment ni @burikalat.

 

Hindi napigilan ng matabil na manager ni Liza na si Ogie Diaz na mag-tweet ng sunod-sunod laban sa vlogger. Hindi man niya pinangalanan, maliwanag na si Maui Becker ang pinatatamaan niya.

 

“Si ateng bading, ubo nang ubo at tila makati ang lalamunan sa kanyang livestream. Pa-swab test ka na kaya.

 

“Bago mag-redtag, pa-check up mo muna yung ubo at kati ng lalamunan mo. Pa-swab test muna. Baka kung ano na yan, teh,” unang tweet ng talent manager-comedian.

 

“Si bakla, detalyado nyang naikwento ang galawan sa bundok ng NPA. Ang nakarating sa akin, galing na pala siya dun. Na-shock nga ako sa kwento sa akin, kalokah. #KayaPala,” ang mga buweltang mensahe ni Ogie

 

Mariin din niyang itinanggi na binayaran si Liza para magsalita sa Gabriela Youth webinar. “Me ‘money involved’ daw ba ‘yung guesting ng alaga ko?

 

“Wala po. Ang alam ko, may ‘money involved’ sa mga nagre-redtag sa alaga ko. Monthly daw yan. #workfromhomesila.”

 

Pinasalamatan din ng talent manager-comedian ang mga nagtanggol kay Liza, “Maraming salamat sa lahat ng pumupuri sa pagpoprotekta ni Liza Soberano sa mga kababaihan at kabataan.

 

“Ganon talaga ang may tunay na malasakit sa kapwa,” sabi pa ni Ogie Diaz.

 

Pinayuhan din sina Liza at Ogie na sampahan na ng kaso ang nasabing vlogger para maturuan din ng leksiyon. Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pang pahayag si Maui Becker sa pambabatikos sa kanya.

 

Dahil nasa Amerika si Liza at parang matatagalan sila roon ni Enrique, pwede rin namang si Ogie ang nagdemanda kay Becker bilang manager ng aktres. After all, anumang maging epekto kay Liza ng pangre-red tagging ni Becky, tiyak na halos ganoon din ang magiging epekto kay Ogie.

 

Parang wala namang naniniwalang NPA na si Liza. Hayun nga’t mas inasikaso pa niya ang lola n’ya kaysa pagsagot sa panlalait sa kanya ng ng isang nagsususpetsa sa kanya.

 

Idinemanda na noon ni Liza ang babaeng nag-post na” sarap ipa-rape” ang aktres.

 

Para turuan ng leksiyon ang Maui Becky na ‘yan na huwag magpadalos-dalos at huwag mambastos ng mga artista, dapat siyang idemanda. Baka pwede ring ang Kapisanan ng mga Aktor sa Pilipinas ang magdemanda sa kanya o mabalasik na humiling ng apology kay Liza at sa lahat ng artista sa bansa.

KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas

About Danny Vibas

Check Also

Ai Ai de las Alas Gerald Sibayan

Gerald pinakamabait sa naging asawa ni Ai Ai

HATAWANni Ed de Leon KUNG si Ai Ai delas Alas ay benggador, ang kailangan lang niyang gawin …

Robbie Jaworski Andres Muhlach

Robbie Jaworski pantapat ng ABS-CBN kay Andres Muhlach ng TV5

HATAWANni Ed de Leon UY pumasok pala sa ABS-CBN si Robbie Jaworski, anak nina Dudot Jaworski at Mikee Cojuangco na mukhang …

Tom Rodriguez

Tom sa pagkakaroon ng anak: Napakasarap palang maging isang ama

RATED Rni Rommel Gonzales NAPAKAGWAPO ng anak ni Tom Rodriguez. Very proud siya na ipinakita mismo …

Lala Sotto-Antonio MTRCB ICC

Responsableng Panonood ng MTRCB pinuri sa ICC, Bangkok

BINIGYANG-DIIN ni Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na obligasyon ng mga …

Sa pagwawakas ng politically charged teleserye Pamilya Sagrado 
PIOLO SUPORTADO PARTYLIST NA TAPAT SA KANYANG PRINSIPYO 

KAPANA-PANABIK ang pagtatapos ng socio-political-action drama teleserye ni Piolo Pascual, ang Pamilya Sagrado sa ABS-CBN bukas. At dahil dito hindi …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *