INIHAYAG ng Food and Drug Administration (FDA) na puwede na muling ibenta sa merkado ang kilalang brand ng liver spread matapos makakuha ng Certificate of Product Registration (CPR) sa FDA.
Base ito sa naging pahayag ni FDA Director General Eric Domingo kahapon.
Nitong nakalipas na buwan nagpalabas ng advisory ang FDA na nagbabala sa publiko at mga estbalisimiyento na huwag bumili ng Reno Liver Spread dahil hindi pa ito rehistrado sa kanilang ahensiya.
Aniya, kung hindi rehistrado ang produkto sa FDA ay nangangahulugang hindi ito dumaan sa proseso para matiyak ang kalidad at kaligtasan ng isang produkto.
Gayonman, kahit walang CPR ang Reno, una nang nakakuha ng License to Operate (LTO) ang manufacturer ngunit hindi nakompleto dahil walang ini-apply na CPR para aprobahan, requirement din ito para mai-release ang produkto sa merkado.
Sinabi ng FDA, inire-require nila ang dalawang uri ng authorization sa mga processed food product bago ito maibenta sa merkado.
Ang basic requirements na ito ng FDA ay simula pa noong 2009 alinsunod sa Republic Act No. 9711 o FDA Act of 2009. Noong 28 Disyembre 2009, isang joint issuance sa pagitan ng DA at Department of Health ang ipinalabas na naglilipat sa mandato ng regulasyon mula sa DOH-FDA patungo sa DA-NMIS.
Nang ibalik ang mandato sa DOH-FDA sa pamamagitan ng RA10611 o Food Safety Act of 2013, ay naging fully implemented noong Mayo 2017.
Nakakuha ang Reno Food Incorporated ng LTO bilang manufacturer, bukod sa existing LTO bilang repacker pero hindi naman sila tumugon sa sinabi ng FDA inspectors na kumuha rin ng CPR para sa kanilang mga produkto kabilang ang Reno Liver Spread. (JAJA GARCIA)