NABUKO ang 53-anyos babae nang harangin ng mga tauhan ng isang automotive company nang magtangkang angkinin ang plaka ng isang sport utility vehicle (SUV) gamit ang pinekeng dokumento, sa Muntinlupa City, Martes ng hapon.
Isinailalim sa inquest proceedings sa Muntinlupa City Prosecutor’s Office sa reklamong falsification of documents ang suspek na si Jovy Olicia, liaison officer ng Zone 4-A, Mabuhay St., Peñafrancia, Mayamot, Antipolo City.
Ayon sa ulat ng Sub-Station 5, nakatanggap sila ng reklamo mula sa Alabang Branch ng CT Citi Motors Inc., sa B42 L8 AB, Westgate, Business District, Alabang Zapote Road kaugnay ng nagpapanggap na claimant dakong 5:00 pm.
Dumating umano si Olicia at nagpresinta sa marketing department ng nasabing kompanya ng authorization letter ng nakarehistrong may-ari, para kunin ang plakang NDM-527 ng Mitsubishi Montero 2019 model.
Nang humarap ang suspek sa sales executive, napansin nito na ang plaka ay para sa ini-report na nawawala o nakarnap na sasakyan ng isang sterling silver Mitsubishi Montero na pag-aari ng isang Vidalyn Sietereales, 42 anyos, ng Barangay San Vicente, San Pedro Laguna.
Nagtungo si Sietereales sa Citi Motors at nakita niya na pineke ang pirma niya sa authorization letter kaya pormal na siyang nagsampa ng reklamo.
Inaalam pa kung ang sasakyan ng complainant ay na-karnap at kung may kinalaman ang suspek sa pagkawala ng sasakyan. (JAJA GARCIA)