UMABOT sa 400 pulis ang masayang pinauwi sa kani-kanilang mga probinsiya matapos silang basbasan ng regional chaplain sa isinagawang send-off ceremony, nitong Miyerkoles, 14 Oktubre, sa Camp Olivas, sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Ayon kay PRO3 Regional Director P/BGen. Valerio de Leon, mare-reassign ang mga pulis na sumailalim sa “Localization Assignment” program ni Chief PNP P/Gen. Camilo “Pikoy” Cascolan sa kanilang mga probinsiya kung saan sila nakatira at doon na gagampanan ang kanilang trabaho bilang mga alagad ng batas.
Pahayag ni De Leon, ang localization assignment program ng PNP ay bahagi ng 9-point strategic thrust sa ilalim ng “PNP Sustainable Development for PNP Patrol Plan 2030” ni P/Gen. Cascolan na naglalayong isulong ang kapakanan ng pulisya at pagkakaisa ng kanilang pamilya upang maging epektibo at de kalidad ang kanilang serbisyo sa bayan. (RAUL SUSCANO)