NAGING viral sa social media ang alingasngas ng naging kamatayan umanoni Ja Morant ng Memphis Grizzlies.
Dumagsa sa internet ang impormasyon tungkol sa umano’y naging kamatayan ng NBA star player Ja Morant.
Ang impormasyon ay walang katotohanan dahil ang Grizzlies star ay malusog at buhay na buhay. Ang source ng umano’y kamatayan ni Morant ay walang solidong ebidensiya at walang detalye tungkol sa dahilan ng kamatayan, lugar at oras ng kamatayan.
Isang fake news ang kumalat na balita tungkol kay Morant. Ang source ng tsismis ay nanggaling sa ‘prank website’ na sinakyan agad ng mga walang magawang fans at tiniyak nilang magiging viral iyon sa social media na wala naman silang ginawang pagtitiyak sa tunay na nangyari.
Ang prank website ay pinangalanang “channel45news” na siyang naging source ng balita. Ang report ay walang byline at wala rin detalye.
Sinasabi lang na ang 20-anyos ay namatay dahil sa hindi malamang sakit at ito raw ay malungkot na kaganapan para sa Memphis Grizzlies.
Sa pagtatapos ng report ay malinaw na nakasulat doon ang “you’ve been pranked” pero ang balitang iyon ay binigyan ng matinding atensiyon ng fans sa buong mundo at ikinalat sa social media.
Ang 6-foot-3 point guard ng Grizzlies ay hindi pa sumasagot sa rumors at kasalukuyang naghahanda para sa susunod na season.