INIHAYAG sa ginanap na Caloocan City Peace and Order Council Online Meeting na bumaba ng 32.8% ang Index Crime Rate sa buong lungsod.
Iniulat ni Caloocan Police Chief Col. Dario Menor kay Mayor Oscar “Oca” Malapitan na mas mababa ng 208, o nasa 426 lamang ang naitalang kabilang sa 8 focus crime mula Enero hanggang Setyembre ngayong taon, kompara sa 634 naitala sa kaparehong mga buwan noong nakaraang taon.
Sa 426 krimen, 283 dito ang cleared o identified ang mga suspek at 211 ang solved o identified at arrested ang mga suspek.
Kaugnay naman ng ipinatutupad na community quarantine simula noong Marso, nasa mahigit 30,000 residente ang nahuling lumabag sa mga ipinatutupad na ordinansa sa lungsod tulad ng curfew, pagsusuot ng face mask, at social distancing.
Sa kabila ng pandemyang dulot ng CoVid-19, tiniyak ng Caloocan Police kay Mayor Oca na patuloy ang mga operasyon tulad ng laban kontra ilegal na droga, paghuli sa mga wanted person, kampanya sa illegal firearms, at iba pa.
Ayon kay Mayor Oca, dapat manatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod lalo sa panahong ito.
“Nagpapasalamat ako sa bawat miyembro ng Caloocan City Peace and Order Council, sa ating pulisya at iba pang mga kaagapay natin sa pagpapanatili ng peace and order sa Caloocan na kinakailangan natin lalo sa mga panahong ito,” ani Mayor Oca. (JUN DAVID)