INAMIN kapwa kahapon nina Paulo Angeles at Michelle Vito sa pamamagitan ng virtual conference na may mga offer silang natatanggap mula sa ibang network.
Simula kasi nang nagsara ang ABS-CBN marami sa Kapamilya talents ang nakatatanggap ng offer mula sa labas ng Kapamilya Network. Hindi naman sila pinipigilan ng Star Magic, ang may hawak sa kanila, na tanggapin ang mga offer na ito. Actually, binigyan sila ng go signal na lumipat o tumanggap dahil alam nilang kailangan din ng kanilang mga artista ang magtrabaho dahil may mga pamilyang umaasa sa mga ito.
At hindi nakaligtas sina Paulo at Michelle sa mga inalok na magtrabaho sa labas ng ABS-CBN.
Maloko ang unang sagot ni Paulo sa aming katanungan ukol dito. Aniya,
“Secret,” na sinundan ng “Ha-hahaha! Siyempre mayroon po.
“Hindi ko tinanggap kasi may show pa ako rito (Kapamilya Network), siyempre priority din naman talaga muna,” paliwanag ng actor na ang tinutukoy na show ay ang Ang Sa Iyo Ay Akin na pinagbibidahan nina Iza Calzado, Jodi Sta. Maria, Sam Concepcion, at Maricel Soriano na napapanood kasalukuyan sa Kapamilya Online Live, Kapamilya Channel, 8:40 p.m..
Sina Paulo at Michelle ang magka-loveteam sa Ang Sa Iyo Ay Sa Akin.
Hindi naman itinago ni Paulo na posibleng tanggapin niya ang offer kung wala siyang seryeng ginagawa. Pero iginiit niyang mananatili siyang talent ng Star Magic at hindi lilipat sa ibang manager.
“May Star Magic pa naman, so hindi kailangang lumipat,” pagkaklaro ng batang actor.
Halos kapareho rin ng paliwanag ni Paulo si Michelle kung bakit hindi niya tinanggap ang offer ng iba.
Aniya,“Mayroon po (offer sa ibang network), pero hindi pa puwede because may show. Pero for me kasi hindi lang naman ‘yun ang reason because parang fresh pa ‘yung nangyari sa ABS-CBN and ang tagal ko with ABS.
“So, I respect ‘yung mga boss, I respect kung ano ‘yung nangyari sa situation, I respect ABS-CBN. So, ayokong madaliin po ‘yung decision ko or kung may opportunity sa iba ayoko muna po na tanggapin muna ‘coz ang dami pang nangyayari and pinag-uusapan pa and all.
“So, ayoko po munang makisabay and since nag-school din po ako ngayon so, ayoko munang i-rush talaga (ang lahat).
“Kailangan munang okay lahat at makapag-move on lahat kasi ang dami pang artist, bosses and workers ng ABS-CBN na ang sakit pa sa kanila niyong nangyari. So, I respect that po.”
Sinabi pa ni Michelle na wala rin siyang planong magpalit ng manager.
“May mga meetings kami with our handlers and bosses so for them naman po kasi since ‘yun nga ‘yung nangyari sa ABS may pandemic ngayon naiintindihan nila ‘yung part na kailangan naming magtrabaho.
“Kasi marami sa amin ang tumutulong sa family namin, may kailangan kaming gastusin o sustentuhan hindi po nila talaga kami pinipigilang mag-guest sa iba, magtrabaho sa ibang station,” sambit pa ng aktres.
Maricris Nicasio