Binibining Mandirigma. ‘Yan ang titulo ng isang short film na ipinaplano ng Tanghalang Pilipino (TP) na gawin ni Nora Aunor malamang bago matapos ang 2020 o sa unang buwan ng 2021.
Ang Binibining Mandirigma ay tungkol kay Henerala Salud, isang dokumentadong beauty queen na naging rebelde. Salud Algabre ang tunay n’yang pangalan.
Nakatakdang gawin ni Ate Guy ang short film ayon sa ulat ni Rito P. Asilo sa Daily Inquirer. Nakuha ni Asilo ang balita mula sa superstar mismo at ilang oras pagkatapos ay sa Facebook page ni Fernando “Nanding” Josef ng TP, ang resident theater company ng CCP.
Ayon kay Asilo, ibinalita ni Tata Nanding (Josef) na: “Tanghalang Pilipino (TP) will produce, initially, a short film on the 67-year-old Salud Algabre, in time for the March 2021 celebration of National Women’s Month.
“Hopefully, TP, with a partner producer, will eventually produce the full-length film on this hardly known, fearless Filipina freedom fighter.”
Sa ulat pa rin ni Asilo, inilahad n’yang si Salud Algabre ay buhat sa isang mayamang angkan sa Cabuyao, Laguna na noong 1935 ay pinamunuan ang binansagang Sakdalista Uprising laban sa mga mananakop na Amerikano.
Dagdag niya: “We learned… in a 2000 essay written by John Witeck for the University of Hawaii that while Salud’s husband led the team that captured the Cabuyao municipal building, Salud was tasked to lead another group to ‘block the road to the town by felling trees across it.’
“That particular rebellion was eventually foiled by the Americans, but the Henerala nonetheless described it as ‘the high point of our lives’ .”
Ano naman ang mga pahayag ni Ate Guy tungkol sa proyekto?
Lahad kay Asilo ng superstar: “Sobrang nerbiyos ko —at sobrang excited po ako na matuloy ito. Sa palagay ko po, napapanahon ang ‘Henerala Salud’ kasi kailangan po natin, lalo na ang mga kababaihan, na magbigay ng inspirasyon sa ating mga kababayan—lalo na para sa mga kabataan.
“Kailangang kilalanin at tularan nila ang ating mga bayani na malalim ang pagmamahal sa bayan, lalo na po sa mga mahihirap.
“Isa pa po, matagal ko na pong pinangarap na magkaroon at makagawa ng ganitong klaseng proyekto. Noong medyo bata-bata pa po ako, may nag-alok po sa akin na gawin ko ang talambuhay ni Gabriela Silang, pero hindi ito natuloy.”
Noong Mayo, gumanap si Ate Guy na Lola Doc na isang monolog na ang nagprodyus din ay ang TP ng CCP. Magiging pangalawang proyekto na ni Ate Guy sa CCP ang Henerala Salud.
Oo nga po pala, ang kasalukuyang CCP president na si Nick Lizaso ay matagal ding naging direktor sa pelikula at sa television, bagama’t sa entablado siya nagsimulang maging direktor.
Siya rin ang kasalukuyang chairman ng government agency na National Commission on Culture and the Arts.
KITANG-KITA KO
ni Danny Vibas