IBA talaga ang taglay na agimat at mahika ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque sa ating mahal na Pangulong Rodrigo Duterte.
Saksi tayong lahat sa ating isyung pinag-uusapan hinggil sa hawak na alas ni Duque, saan man dako o laro tayo humantong. Halos sa lahat ng aspekto ay nagagamit ang kanyang alas at baka joker pa na mas higit sa alas.
Mantakin ninyong binigyan lang ng warning itong si sekretaryo samantala lahat ng kanyang kasama sa ‘PhilWealth’ ‘este PhilHealth na nasa likod ng mga katiwalian ay sinampahan ng kasong graft and corruption at kung ano-ano pa sa Department of Justice (DOJ).
Bilang Chairman of the Board ng Philhealth, sasabihin n’yo bang walang kinalaman si Duque sa bilyon-bilyong halaga ng pisong nawawala sa kaban ng nasabing institusyon? Tell it to the marines!
Isipin na lang ninyo sa katatapos na imbestigasyon ng Task Force PhilHealth, parang lumalabas na spare agad ang pangalan ni Duque, kumbaga, absuwelto agad, ‘di po ba?
Kung kaya’t marami ang nagulat sa kinalabasan ng imbestigasyon gaya na lamang nina Senate President Tito Sotto, iba pang senador, at mga kongresista na ayaw pumayag na walang panagutan si Duque sa nasabing katiwalian.
Biruin ninyong mula sa CEO nitong PhilHealth na si Ricardo Morales at iba pang matataas na opisyal hanggang sa Regional Directors ay sinampahan lahat ng kaso sa DOJ maliban kay Duque na Chairman of the Board pa man din.
Kung sa bagay ay huwag na tayong magtaka dahil kung tatlong beses na nagsumite ng resignation letter sa ating Pangulo ay apat na beses naman itong hindi tinanggap.
Wala raw kasi sa proper timing ang resignasyon lalo na nga naman sa panahon ng pandemya. Maaari ngang kailangan pa siya at may motibasyon pa sa kanya si Pangulong Digong, wait and watch na lang muna tayo he he he.
KALYE JUAN LUNA SA DIVISORIA, NAMUMULAKLAK ULI SA VENDORS
Muli na namang namulaklak sa mga vendor ang kalye Juan Luna sa Divisoria at hindi na naman madaanan ng sasakyan.
Halos magkapalit-palit na raw ang mga mukha ng mga vendor at hindi alintana ang health protocol na social distancing. Hindi raw ito uso sa kanila.
Mas mainam pa raw noong araw na ilang vendor organizer lang ang humahawak nito, may sistema daw at mas may disiplinang sinusunod.
Maraming nagsasabi kaya lomobo na naman ang populasyon ng mga vendor ay dahil ang mga vendor organizer daw ay pinalitan ng mga marshal na nuknukan din ng dami.
Kung noon daw ay dalawa lang hanggang tatlong vendor organizer ang nagpapalakad sa mga vendor sa nasabing lugar, ngayon daw ay 10 hanggang 12 marshal ang nangangasiwa rito.
Mantakin ninyong 10-12 marshals, siyempre matic at normal din na mas maraming vendor itong hahawakan at kokolektahan, ‘di po ba?
The more, the merrier nga naman. Sayang lang nga naman ang pagkakataon kung kaya’t lahat ng aplikante ay tanggap agad basta’t may pambayad ng matrikula. He he he…
Bukod sa koleksiyon ng mga marshal araw-araw, natural lang daw at ‘di pwedeng mawalan ang pulis natin mula sa MPD-PS2, iyon ang sabi nila.
YANIG
ni Bong Ramos