MAHIGPIT na ipatupad ang health protocols sa publiko na maagang bibisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay sa Manila North at South Cemetery.
Ito ang iniutos ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso sa kanyang mga tauhan.
Ang pahayag ni Moreno ay bunsod ng ulat nina Yayay Castañeda, administrator ng Manila North Cemetery (MNC) at Jess Payad, administator ng Manila South Cemetery (MSC) na may nagsimula nang bumisita sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon kay Moreno, estriktong ipatutupad ang health protocols tulad ng temperature checks, pagsusuot ng facemask at face shields, at agwat o physical distancing.
Mahigpit na Ipinagbabawal ang pagpasok ng mga senior citizen at mga kabataang edad 20 anyos pababa.
Matatandaang inianunsiyo ni Moreno na isasara ang mga sementeryo, columbarium, at memorial parks sa lungsod mula 31 Oktubre hanggang 3 Nobyembre upang maiwasan ang pagdagsa at maiiwas sa paglaganap ng sakit na CoVid-19.
Pinasalamatan ni Moreno ang publiko dahil sa pagsunod sa kanyang panawagan partikular ang mga maagang nagtungo sa mga himlayan.
Dahil sa utos ni Moreno, hanggang 30 Oktubre na lamang bukas ang sementeryo at ang paglilibing ay mula 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Hindi rin papayagan ang pagpaaok ng sasakyan at pagtitinda ng mga vendor.
Sa paglilibing, 30 katao lamang ang papayagan na makapasaok sa sementeryo.
Sinabi ni Payad na ang MSC ay bukas mula 7:00 am hanggang 5:00 pm sa buong linggo.
(BRIAN BILASANO)