KINOMPIRMA ni Senator Christopher “Bong” Go na target ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipapalit bilang President CEO ng Philippine Health Insurance Corp., (PhilHealth) ang isang indibidwal na kayang linisin ang ahensiya mula sa pinakamataas hangang sa pinakamababang posisyon.
Inihayag ni Go, dapat ay matapang, malinis at may will power ang susunod na presidente ng PhilHealth habang zero tolerance ang magiging policy nito.
Bagamat hindi pinangalanan, nagpahiwatig si Go na ang tinatarget ng pangulo na susunod na PhilHealth chief ay mula sa private sector pero sanay sa pag-iimbestiga at posibleng silent worker.
Sinabi ni Go, kailangang mag-move forward na ang PhilHealth at dapat ay nagbibilang ang ahensiya ng kung ilan ang natulungang pasyente taliwas sa naririnig ngayong usapan tulad ng magkano ang mga nanakaw sa ahensiya.
Ayon kay Go, pagod na at nabibingi na si Pangulong Duterte sa mga naririnig niyang katiwalian sa PhilHealth at mga reklamo ng iregularidad.
Binigyang diin ni Go na kritikal ang papel ng PhilHealth ngayong nahaharap sa health crisis ang bansa dahil sa pandemyang CoVid-19 kaya naman dapat ay magamit sa mga miyembro ang bawat pisong pondo ng ahensiya. (N. ACLAN/C. MARTIN)