NAGING payak o simple ang pagbubukas ng sesyon ng senado at ang State of the Nation Address (SONA) matapos mawala ang pabonggahan at magarbong pagbubukas nito dulot ng paandemyang COVID 19.
Bukod sa pagdalo ng 17 senador, bilang na bilang ang mga taong nasa session hall.
Gayonman, hindi nawala ang tradisyonal na picture taking ng mga senador na nakasuot ng face mask.
Maging sa SONA, ilang senador ang dumalo physically at ilang mga piling tao ang nakadalo nang personal sa SONA.
Nagpahayag ng pasasalamat si Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa kanyang kapwa senador sa mga naipasa nilang mga panukalang batas na naging batas.
Pinasalamatan ni Sotto ang lahat ng frontliners na nagbuwis ng buhay para magsilbi sa bayan.
Kasunod nito inilatag ng Senador ang ilang nais niyang pagtuunang pansin ng senado sa mga susunod na sesyon.
Tiniyak ni Sotto, sa kabila ng mga legislative agenda na kanilang tatalakayin ay hindi nila maaaring isantabi ang imbestigasyon ukol sa nagaganap na korupsiyon sa pamahalaan.
Partikular na tinukoy ni Sotto ang korupsiyon sa PhilHealth at ang pagkasawi ng kontrobersiyal na bilanggo na si Jaybee Sebastian at ilan pang high criminals.
Kaugnay nito, tiniyak ni Senador Bong Go, Chairman ng Senate committee on health and demography na kanyang isasagawa ang imbestigasyon.
Tiniyak ni Go, talagang papanagutin niya ang mga taong mapapatunayang sangkot sa korupsiyon sa Philhealth. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)