NANAWAGAN si Senadora Nancy Binay sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) ukol sa ibayong pagpapatupad ng safety at health protocols para sa kanilang mga pulis, iba pang personnel, at mga naaarestong suspek, at mga bilanggong isinasakay sa iisang sasakyan kapag dinadala sa korte.
Ayon kay Binay, dapat sanayin ang PNP personnel sa tamang pagtrato ng mga bilanggo lalo kapag kailangan silang ilabas.
Tinukoy ng Senadora, hindi lamang police stations at patrols cars ang dapat turuan kundi maging ang mga nahuhuli nilang lumalabag sa health protocols.
Iginiit ni Binay, kung mahigpit ang pulisya sa pagpapatupad at paghuli sa mga lumalabag sa health protocols dapat ay sumusunod rin sila rito.
Pinuna ni Binay ang kawalan ng social distancing sa mga bilanggong dinadala sa korte at mga nahuhuling isinasakay sa mobile car o police patrol vehicles.
Paalala ni Binay, bukod sa nalalagay sa peligro ang kalusugan ng PNP personnel ay higit ang mga bilanggong magkakatabi o nagsisiksikan sa isang sasakyan. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)