SA PAGPASOK ng tag-ulan, pinaalalahanan ni Senate committee on health Chairman Senator Christopher “Bong” Go ang sambayanan na patuloy na maging vigilant laban sa iba pang karamdaman tulad ng dengue, diarrhea, leptospirosis at influenza sa gitna ng pandemyang COVID-19.
Sinabi ni Go, sa gitna ng pagtutok ng sambayanan sa COVID-19, hindi rin dapat kalimutan ang iba pang posibleng outbreaks na umuusbong sa panahon ng tag-ulan.
Dapat aniyang panatilihin ang proper hygiene at kalinisan sa loob ng mga tahanan at kapaligiran.
Iginiit ni Go, dapat ihanda ang mga ospital at iba pang health facilities para sa iba pang karamdaman kahit nakatutok ang lahat sa COVID-19.
Binigyang diin ni Go, malaki ang epekto ng malinis na kapaligiran sa pag-iwas sa mga sakit kaya tama lang na gamitin ang quarantine protocols para maglinis.
Ipinaalala ng senador ang 4S (suyurin at sirain ang mga pinamumugaran ng lamok; sarili ay proteksiyonan laban sa lamok; sumangguni agad sa pagamutan kapag may sintomas ng dengue; at sumuporta sa fogging) strategy ng Department of Health (DOH) laban sa dengue.
Dagdag ni Go, hindi dapat magpakakampante ang sambayanan kahit pa iniulat ng DOH ang pagbaba ng bilang ng mga tinamaan ng dengue sa bansa. (NIÑO ACLAN/CYNTHIA MARTIN)