ARESTADO ang apat kataong huli sa aktong sumisinghot ng ilegal na droga sa isang pot session kahapon ng madaling araw, 14 Hunyo, sa lungsod ng Mandaluyong.
Kinilala ng Mandaluyong PNP ang apat na nadakip na sina Carlos Roberto, 52 anyos; Reynald Circulado, 26 anyos; Roel Jingco, 53 anyos; at Irish Capapas, 43; pawang mga residente sa Coronado St., Barangay Hulo, sa naturang lungsod.
Ayon sa mga tauhan ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU), dakong 12:30 am nitong Linggo, sinalakay ng mga operatiba ang hang-out ng mga suspek sa Coronado St., matapos makatanggap ng tawag mula sa isang concerned citizen sa nagaganap pot session na nagaganap sa lugar. Naaktohan ng mga operatiba ang mga suspek na abala sa palitan ng pagsinghot ng droga sa panahon ng general community quarantine dulot ng pandemyang COVID-19.
Nasamsam mula sa mga suspek ang ilang transparent plastic sachet ng shabu, residue, at iba’t ibang shabu paraphernalia kabilang ang lighter at tooter na gamit ng apat na suspek sa pagsinghot ng droga.
Kasalukuyang nakapiit ang apat sa detention cell at nahaharap sa kasong paglabag sa Section 13, 14, at 15 ng RA 9165 at kasong paglabag sa ipinaiiral na GCQ sa lungsod. (EDWIN MORENO)