KAILANGANG isailalim sa pagsusuri ang 13 porsiyento ng populasyon sa Metro Manila upang matiyak kung gaano kalawak ang nahawaan ng coronavirus (COVID-19) sa kasalukuyang pandemya.
Ayon kay Senador Richard Gordon, ang nasabing porsiyento ay katumbas ng 1.6 milyong katao sa Kamaynilaan.
Paliwanag ni Gordon, payo ito ng World Health Organization (WHO) dahil ang Metro Manila ang itinuturing na epicenter ng COVID-19 outbreak sa bansa.
Kung gagawin umanong 13.5% ng populasyon ng buong Filipinas ang isasailalim sa test ay aabot ito sa 12.4 milyong Filipino kaya sa ngayon ang target ng pamahalaan ay 2.5% ng populasyon sa buong bansa o 2 milyon na Filipino.
Target maisagawa ang COVID-19 test kada araw ngunit hindi ito kayang bayaran lahat ng gobyerno kaya ang mahihirap na mamamayan ang maaari nilang sagutin.
Ang ilang nangangailangan ng pagsusuri ay maaari umanong ipasagot sa mga pribadong negosyante at mga indibiduwal na kaya namang magbayad ng test.
Si Gordon, ang chairman ng Philippine Red Cross (PRC), na nakapagsagawa ng 47% COVID-19 test sa buong kapuluan.
Nabatid na P3,500 ang bayad sa COVID test at dagdag na P500 kung hihingi ng certification kung gagamitin para sa trabaho.
Maaari umanong i-reimburse sa PhilHealth ang P3,500. (CYNTHIA MARTIN)