TATLONG kawani ng Office of the Mayor sa isang bayan sa lalawigan ng Laguna ang nasakote sa isang
entrapment operation na isinagawa ng Cabuyao Philippine National Police.
Kinilala ang mga supek na sina Dionisio Aragon, 48 anyos; Byron Sanogal, 40 anyos, at Renato Marasigan, 33, pawang residente sa Cabuyao City, na naaktohang nagbebenta ng P500-halaga ng shabu sa isang poseur-buyer na miyembro ng Cabuyao PNP.
Nabatid na naganap ang insidente dakong 12:30 pm nitong Martes, 12 Mayo sa NIA Road, Sitio Tarikan, Barangay Sala sa naturang siyudad.
Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Lt. Col. Reycon Garduque, hepe ng Cabuyao City PNP, isang entrapment operation ang kanilang ginawa matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa modus na pagbebenta ng shabu ng mga suspek.
Nakompiska sa isinagawang entrapment operation ang isang selyadong plastic sachet ng shabu na sinabing nagkakahalaga ng P500, kasama ang lima pang sachet na hawak din ng mga suspek.
Kinompiska rin ng pulisya ang isang puting Isuzu Flexi-truck, may plakang NAE 5205 na ginamit sa naturang transaksiyon.
Agad dinala sa estasyon ng Cabuyao City PNP sina Aragon, Sanogal, at Marasigan na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs of 2002.
Kaugnay nito, nakatakdang paimbestigahan sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga nagdaang aktibidad ng tatlong akusado sa hinalang nagagamit nila ang proyektong “Market On the Go” ng alkalde ng Cabuyao.
Madalas umanong gamitin ng tatlo ang sasakyan ng kanilang alkalde gaya noong sila ay masakote.
Inakala umano ng mga residente sa kanilang lugar na tunay na ‘kalabasa’ ang kanilang mga itinitinda ngunit nabuyangyang na ilegal na droga pala ang kanilang isinasalya.