PINAGPAPALIWANAG ng grupong Power for People Coalition (P4P) ang Manila Electric Company (Meralco) hinggil sa inirereklamo ng ilang konsyumer na sobra-sobrang singil habang marami ang dumaranas ng kawalan ng koryente sa kasagsagan ng enhanced community quarantine (ECQ).
Ayon kay Gerry Arances, Convenor ng P4P, 52 beses nakaranas ang Meralco ng ‘tripping events’ mula 6 Mayo, habang napansin naman ng mga konsyumer ang kakaibang nakatalang konsumo sa kanilang mga bill, na sinasabing tatlong beses ang itinaas habang ECQ.
“We cannot help but feel that Meralco is using the ECQ as a convenient scapegoat to cover up their shortcomings. While it is understandable that people at home will consume more electricity, it is incredible that consumption would increase three or four more times in just a month. And it is unbelievable that when malls, factories, offices, and other large electrical consumers are closed, Meralco’s grid is suddenly incapable of coping with the demand,” ayon kay Arances.
Aniya, dapat imbestigahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang bagay na ito lalo’t hirap na hirap na ang maraming mamamayan dahil sa implementasyon ng mga lockdown.
Masyado umanong maraming iniisip ang mga Filipino dahil sa ECQ – kawalan ng trabaho, pagpapakain sa pamilya, at pambayad sa mga gastusin.
Sa ganitong panahon, maituturing umano na criminal neglect ang ginawa ng Meralco.
“Puwede na sanang tulong galing sa Meralco ang pagtitiyak ng maayos na serbisyong binabayaran nang mahal ng consumers,” ani Arances.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11469, o ang Bayanihan Heal as One Act, hindi muna ipatutupad ang paniningil sa mga gastusin sa tubig, renta, koryente, at iba pa, sa mga nakatira sa kabahayan habang nasa ilalim ng quarantine.
“Even if these payments are suspended, people still have to make good of them after the quarantine. The problem is, not everyone will have a job after ECQ or be eligible for government assistance,” giit ni Arances.
Binigyang diin niya ang isyu ng pagsauli ng bayad na hindi pa rin ginagawa ng Meralco para sa mga konsyumer.
“I would also like to remind Meralco of the refunds that it still owes consumers. Now is the opportune time, after correcting the bills, to waive the bills towards the satisfaction of their debt to the people they overcharged for decades,” dagdag ng convenor ng P4P.